Isinusulong ni Pasig City Lone District Congressman Roman Romulo ng Pasig City ang pagbabawas ng subject sa curriculum ng mga mag-aaral ngayong darating na pasukan, na magsisimula sa darating na Octubre 5, taong kasalukuyan.
Sa isinagawang zoom virtual presser ng PaMaMarisan Rizal Press Corps kahapon ng umaga, kasama si Congressman Roman Romulo, sinabi nito na dapat bawasan ang subject ng mga mag-aaral ngayong nasa ilalim tayo ng pag-aadjust dahil sa pandemya dulot ng coronavirus. Huwag na sana muna umanong itulad sa itinuturo noon na nasa normal pa ang pamumuhay, na kung saan grade-1 pa lamang ay mayroon nang anim (6) na subject at pagdating ng grade-2 at grade-3 umaabot na sa 7 hanggang walo ang subsects na pinagaaralan ng mga estudyante.
Ang pinaka importante umanong dapat munang matutunan ng mga magaaral, partikular ang mga nasa elementarya, ang pagsusulat, pagbabasa at ang matematika, dahil ito umano ang basic at quality education. Isa pa sa binaggit ni Cong Romulo, na sana mapasama rin sa curriculum ang una ng naapprubahan na batas, ang Good Manners and Right Conduct (GMRC) Act o R.A. 11476, na kung saan kamakailan sa huling pagbasa nito o third reading ay inaprubahan at pinirmahan na ni Pangulong Duterte at ganap ng batas sa ngayon.
Ang GMRC Act o R.A. 11476 ay naglalayong muling ibalik sa curriculum para maisama ngayong darating na pasukan sa ilalim ng K-12 program ng Department of Education (DepEd). Layunin ng batas na ito, na maituro ng mga guro sa mga magaaral, ang tamang asal at paguugali, pagrespeto sa mga nakatatanda, at kapwa mag-aaral.
Ayon kay Congressman Roman Romulo, na siyang pangunahing may-akda ng nasabing batas, sa nakita niyang pag-uugali ng mga kabataan sa ngayon na parang naiiba na ang mga asal, kung kaya naisip niyang ibalik ang GMRC. Magugunitang taong 2002 ang GMRC ay tinanggal sa curriculum at isinama na lamang sa social studies.
“Ang nais nating mangyari dito na ituturo ng mga guro sa mga estudyante ang aktuwal na pagrespeto pati na ang mga karanasan, sa halip na konsepto, ideya o teoriya lamang,” ito ang pahayag ni Romulo. Idinagdag pa ng mambabatas, na umaasa siyang maibalik ang dati nang itinuturong kabutihang asal tulad ng pagpapahalaga sa sarili, pagmamalasakit sa kapwa, paggalang sa paniniwala ng iba at pagmamahal sa bayan.
Ang nilalaman umano ng aklat na ito ay nakasaad sa wikang Filipino at ituturo sa salitang tagalog upang madaling maunawaan at maisabuhay ng mga estudyante para na rin sa araw-araw nilang pamumuhay hanggang sa kanilang paglaki, dagdag pa ng mambabatas.