Naalarma ang grupo ng health advocates sa Senate Bill No. 1951 na inihain ni Senador Ralph Recto noong Disyembre 14 na naglalayong ibaba sa 18 taong gulang ang legal na edad para sa paggamit ng vape at heated tobacco products mula sa kasalukuyang 21 taong gulang. “Salungat sa batas ang panukalang ito at maging sa executive order na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatakda na ang 21 taong gulang pataas lamang ang makakabili ng mga produktong vapes at heated tobacco products.
Noong nakaraang taon, idineklara ni Pangulong Duterte na toxic o nakalalason ang mga produktong ito,” ayon kay Ralph Degollacion ng HealthJustice Philippines. Nababahala naman si Dr. Rizalyn Gonzalez ng Philippine Pediatric Society sa maaaring maging epekto nito sakaling maging batas ang nasabing panukala. Aniya, maaaring mawala ang dati ng executive order ng Pangulo at ang RA 11467 na nagpoprotekta sa mga kabataan upang hindi sila malulong sa mga ganitong addictive substance.
“Kung maipapasa ang panukalang batas at bababa ang legal age of access sa vape at heated tobacco products, maaaring mahikayat ang mga kabataan na gumamit at malulong sa nakamamatay na bisyo,” saad ni Dr. Gonzalez. “Nagma-mature ang isip ng bata mula edad 25 pataas. Ang anumang pagkagumon bago ang edad na ito ay magkakaroon ng panghabang-buhay na epekto.
Paliwanag ng U.S. Department of Health and Human Services: “Nagma-mature pa rin ang isip ng tao hanggang sa humigit-kumulang 25 taong gulang. Sa tuwing nalilikha ang isang bagong memorya o may natututunang bagong kasanayan, nabubuo ang mas malakas na koneksyon — o mga synapses — sa pagitan ng mga cell sa utak. Mas mabilis na nakabubuo ng synapses ang utak ng mga kabataan kumpara sa utak ng mga nakatatanda. Ang nikotina sa e-cigarette at iba pang mga produktong tabako ay maaari ring magpasimula sa utak ng kabataan na maadik sa iba pang mga droga tulad ng cocaine.”
Dagdag naman ni Degollacion, nais ng panukalang batas na baliktarin ang nais ng Pangulo at gawing mas madaling gamitin ang vapes sa mga pampublikong lugar. “Pinapayagan ng Recto Vape Bill ang pag-vape sa mga lugar na idineklara na ng Pangulo na 100% vape free at smoke free. Nakakaalarma ito sa napakaraming kadahilanan. Una, magiging mahirap ang implementasyon dahil magkakaroon ng magkaibang panuntunan sa dalawang magkatulad na produkto. Sisirain nito ang kasalukuyang implementasyon ng Philippine National Police (PNP) sa executive order ng Pangulo,” dagdag ni Degollaccion.
Dati ng pinaigting ng PNP ang pagbabawal sa vaping sa mga pampublikong lugar nang lumabas ang Executive Order 106. Nagresulta ito sa pagkumpiska ng mga produktong vape sa maraming lugar sa Metro Manila. Ipinaliwanag din ni Degollacion na “ipapahiwatig ng panukalang batas na ang pagpapahintulot sa vaping sa isang lugar na vape free at smoke free na normal o okay lang ang addiction na ito ng mga kabataan, na isang insulto sa kagustuhan mismo ng Pangulo.”
Umaapela si Dr. Gonzalez sa Senado na huwag ipasa ang panukalang batas na ito lalo na ngayong nahaharap tayo sa Covid 19. “Dapat ipatupad ng ating mga mambabatas ang mga batas na nagpoprotekta sa mga tao, lalo na sa mga bata mula sa mga produktong ito sa halip na palakasin ang mga batas na naglalayong gawing madali para sa mga bata na ma-access ang mga produktong tulad ng vape na napatunayan nang nakapipinsala sa baga.”
Noong nakaraang taon, nairehistro ng Pilipinas ang kauna-unahang e-cigarette o vape associated lung injury na kinasangkutan ng isang labing-anim na taong gulang na batang babae mula sa Visayas.