image

Mamahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng may walumpung (80) ektarya ng lupang pang agrikultura sa halos 102 agrarian reform beneficiaries (ARBs), sa mga magsasakang Busuangeño sa lalawigan ng Palawan, sa ilalim ng serbisyong DAR-to-door.

Magbibigay din ng libreng konsultasyon sa usaping agrario, oryentasyon sa pagbubuo ng mga suportang serbistyo para sa mga ARB na gaganapin sa Enero 21-22, 2021.

Ang mga aktibidades, na tinaguriang “Pag-anDAR sa BPR: Serbisyong may Puso, Aarangkada sa Pag- asenso ang mga Busuangeño”, ay dalawang araw na pagpapatupad sa mandato ng DAR sa land tenure improvement, pagkakaloob ng mga kinakailangang suportang serbisyo, at probisyon sa pagkakaloob ng serbisyong legal sa mga ARBs, maliliit na magsasaka at iba pang manggagawa sa sakahan.

Ayon kay DAR Secretary Brother John Castriciones, ang mga ipagkakaloob na lupa ay government-owned lands (GOLs), kung saan kasama dito ang Busuanga Pasture Reserve (BPR), na kilala rin bilang Yulo King Ranch (YKR), na mailalagay sa maayos na paggamit dahil ito ay pakikinabangan ng mga magsasakang-benepisyaryo ng departmento.

“Sa napakaraming taon na lumipas, panawagan ng mga magsasaka sa bayang ito na ipamahagi sa kanila ang mga lupain ng pamahalaan. Isang magandang halimbawa ay ang BPR kung saan malaking bahagi ng lupain dito ay napasailalim sa pamamahala ng Department of Environment and Natural Resources-Forest Management Bureau (FMB).

Sa pamamagitan ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisabatas ang Executive Order (EO) No. 75, Series of 2019, noong Pebrero 1, 2019, napabilis ng DAR ang pagprosesong mga lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP),” ani Brother John.

Ipinaliwanag din ni Brother John na ang DAR bilang pangunahing ahensiya na magbibigay probisyon sa direksyon at koordinasyon sa pagpapatupad ng EO No. 75, ay seryosong pagpapakita ng pamahalaan sa hangad nito na mabigyan ng lupa ang mga magsasakang walang lupain.