“Serye ng Tulang Dagdag Kaalaman”

Ni: JD AGAPITO

“Ang Pagiging Ina” (#4)

image

Nang mabiyayaang sanggol ay iluwal
Mundo ay nagdiwang sa kaligayahan
Ni walang pagsidlan nitong kagalakan
Pagiging isang ina ay paninindigan

Sa mga unang buwan ng kanyang paglaki.
Halos di matulog sa paghele-hele
Pag-iyak ng sanggol hindi mapakali
Gatas sa dibdid ay kulang ba ang silbi?

Habang lumalaki’y sinusubaybayan
Kung may trabaho ‘y pilit lalaanan
Kahit konting oras ng paglalambingan
Kinukuwingwing siya’t kinukwentuhan

Hanggang magsimulang pumasok sa klase
Kay gandang pagmasdan lalo’t nakauniporme
Pero pinaplanong pera’y maisubi
Pantustos sa kolehiyo ang iniintindi

Sa buong panahong anak ay pinag-aral
Maraming pagtitiis ang sadyang dinaanan
Maitaguyod lang sa kursong inalam
Iya’y tunay na pamanang di malilimutan

Pero hindi doon nagtatapos ito
Kahit mag-kaapo’y Lola ay narito
Sa mga problema siya’y umaareglo
Para anak niya’y palaging kuntento

Kaya’t ang maging ina ay sadyang makulay
May saya at lungkot na dala sa buhay
Dahil dalawa lagi ang mga bagay bagay
Simula at wakas, bigo at tagumpay

Wala ring katapusan ang pagiging ina
Maliban na lamang sa huling paghinga
Kung may magsasabing siya’y nagkulang pa
Sa kaibuturan ng puso’y, kirot damang dama

Kaya’t sa Maykapal ay mayroong dalangin
Patnubayan mo po ang puso’t damdamin
Nang sadyang matupad ang mga tungkulin
Nang pagiging INA sa inyong paningin