Kinilala ng US Department of State si Pasig City Mayor Vico Sotto bilang isa sa 12 International Anticorruption Champions kaya naman malaki ang pasasalamat ng binatang alkalde sa parangal ng U.S. Department of State.
Ayon kay Sotto na sana ay magsilbing daan ang parangal sa lahat ng local government unit (LGU) na sugpuin ang katiwalian at korapsyon sa pamahalaan na kung saan ay kailangan ng pagkakaisa at alisin na ang nakasanayang maling kultura.
Base sa inilabas na statement ni US Secretary of State Antony Blinken, pinarangalan ng International Anti-corruption Champion Award ang mga indibidwal na walang sawang sa lumalaban sa korupsyon at nagiging transparent para sa malinis na serbisyo sa bansa.
Kinikilala din ang mga individuals na nagpapakita ng mahusay na leadership, courage, and impact in preventing, exposing, and combating corruption, nakasaad pa sa statement.
Napili si Sotto bilang “standard-bearer for a new generation of Philippine politicians who prioritize anticorruption and transparency initiatives in their election campaigns and in office” dahil sa ipinakitang kakayahan na sugpuin ang korupsyon sa Pasig at kampanya kontra sa red tape.
Nalaban umano ni Sotto ang halos 27-taong pamumuno ng dating alkalde at ipinamulat ang freedom of information legislation na naghihikayat sa mga residente na isumbong ang anumang katiwalian.
Bumilib pa ang US Department of State sa ipinakita ni Sotto na bawal ang kickback sa anumang kontrata ng pamahalaan at binuo ang 24/7 public information and complaints hotline para sa mga empleyado at Pasigenyo.
Bukod kay Sotto, kinilala rin ang ilang individuals bilang anti-corruption champions na sina Ardian Dvorani ng Albania, Diana Salazar ng Ecuador, Sophia Pretrick ng Federated States of Micronesia, Juan Francisco Sandoval Alfaro ng Guatemala, Ibrahima Kalil Gueye ng Guinea, Anjali Bhardwaj mula sa India, Dhuha A. Mohammed ng Iraq, Bolot Temirov mula sa Kyrgyz Republic, Mustafa Abdullah Sanalla ng Libya, Francis Ben Kaifala sa Sierra Leone at mula sa Ukraine na si Ruslan Ryaboshapka. (LOUIS TANES)