image

Hiniling ng Social Security System (SSS) sa mga miyembro at employer na siguruhing tama at valid ang kanilang mga disbursement accounts kapag ito ay inenrol sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) sa pamamagitan ng My.SSS sa SSS website.

Ayon kay SSS President at CEO Aurora C. Ignacio, ang  maling paglalagay ng account number o pag-upload ng proof of account ay dahilan upang hindi tanggapin ang kanilang aplikasyon sa disbursement account enrollment.

“Nakikiusap kami sa ating mga miyembro at employer na maging maingat sa paglalagay ng kanilang impormasyon bago ito  isumite sa SSS upang maiwasan ang pagkaantala sa pag-enrol ng kanilang disbursement accounts,” sabi ni Ignacio.

Bago magrehistro, kailangang siguruhin ng mga miyembro at employer kung ang kanilang bank account ay kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) participating banks. Kinakailangan din na ang pangalan ng miyembro o pangalan ng negosyo ng employer na nakarehistro sa SSS ay katulad sa ini-e-enrol na bank account name. Pinakamahalaga rito ay ang paglalagay ng kanilang bank account number at hindi ang ATM card number.

Para sa mga cash cards mula  sa mga bangko, kinakailangan na masiguro muna na pinapayagan ng bangko na gamitin ito para sa pagtanggap ng benepisyo mula sa SSS. Sa paglalagay ng bank account numbers, ito ay dapat magkarugtong at walang anumang laktaw o kahit anong non-numeric characters.

Para naman sa mga e-wallet at Remittance Transfer Companies (RTCs)/Cash Payout Outlets (CPOs), kinakailangan na ilagay ito na 09171234567 o 09181234567 at walang anumang laktaw o non-numeric characters.

Upang mapatunayan na ang miyembro ang lehitimong may-ari ng account at maiwasan ang anumang panloloko, kinakailangang mag-upload ang miyembro at employer ng patunay na kanila ang naturang account sa pamamagitan ng DAEM. Ito ay maaaring  litrato o scanned copy ng passbook, ATM card, validated deposit slip, bank certificate/statement, o foreign remittance slip; o screenshot ng online/mobile banking account, o mobile app account (para sa e-wallets) na nababasa at may kulay.

Samantala, hindi na kakailanganin ang katunayan sa pagmamay-ari ng account kung ito ay Unified Multi-Purpose Identification card na naka-enrol bilang ATM (UMID-ATM); mga bank account na mula sa Sickness and Maternity Benefits Payment thru the Bank (SMBPB) Module; at DBP Cash Padala thru M Lhuiller.

Benefit at loan disbursement channels

Pinapaalalahanan din ng SSS sa mga miyembro  at employers na magkakaiba ang disbursement channels para sa  mga benepisyo at loans.

Sa kasalukuyan, ang Retirement, Disability, Unemployment, Sickness at Maternity Benefits ng mga indibidwal na miyembro, kabilang ang Funeral and Death Benefits ng mga benepisyaryo na  miyembro ng SSS ay makukuha ang kanilang mga benepisyo sa pamamagitan ng UMID-ATMs, Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Cards, PESONet participating banks, e-wallets, at RTCs/CPOs.

Matatanggap naman ang Employer’s Sickness at Maternity Benefit Reimbursements sa pamamagitan ng PESONet participating banks gayundin ang Pension Loans at short-term member loans tulad ng Salary, Calamity, at Emergency loans na matatanggap sa pamamagitan din ng UMID-ATMs at UBP Quick Cards.

“Dahil sa mas mataas na volume ng aplikasyon sa DAEM ay nagdagdag kami ng mas maraming empleyado upang i-verify ang mga isinumiteng aplikasyon,” sabi ni Ignacio.

“Bunsod dito, nais naming ulitin na prayoridad pa rin ng SSS ang kalusugan at kaligtasan ng aming miyembro kaya hinihikayat namin sila na iwasan ang pagpunta sa mga tanggapan ng SSS upang mag-follow-up ng kanilang mga disbursement account applications. Patuloy kaming gumagawa ng mga paraan upang maging maayos at mabilis ang pagproseso ng mga aplikasyon sa DAEM,” dagdag niya.

Noong 2020, ipinatupad ng SSS ang pag-enrol ng disbursement accounts ng mga PESONet-participating banks, e-wallets, o RTCs/CPOs sa DAEM bilang bahagi ng kampanya nito na digitalization kung saan mas pinadali, pinasimple at pinabilis ang mga online transactions sa SSS via ExpreSSS.

Para sa iba pang mga impormasyon, bisitahin ang SSS Facebook Page “Philippine Social Security System,” Instagram “mysssph,” Twitter “PHLSSS,” o sumali sa SSS Viber Community “MYSSSPH Updates.”