CABATUAN, Isabela – TATLUMPU’T-ANIM (36) na iskolar ng Farm Business School (FBS) ng Diamantina SN Credit Cooperative (DSNCC) ang nagsagawa kamakailan ng“Buhay sa Gulay” na proyekto ng Department of Agrarian Reform (DAR), isang urban farming na inisyatibo ng ahensya upang makapagbigay ng sapat na mapagkukuhanan ng pagkain at dagdag kita sa mga residente sa kalunsuran.
Layunin ng FBS program na idebelop at turuan ang mga farmer-beneficiaries ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na maging mga negosyanteng magsasaka.
Pinuri ni Regional Director Samuel S. Solomero ang DSNCC, isang agrarian reform beneficiary organization (ARBO) na ginagabayan ng Provincial Office ng DAR, sa kanilang pakikilahok upang makatulong sa seguridad sa pagkain ng Isabela.
“Ang proyektong ito ay nararapat lamang na tularan kaya inaatasan ko ang ating mga Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) na tumingin ng iba pang mga posibleng lugar na pwedeng tayuan ng proyektong “Buhay sa Gulay”,” ani Solomero.
Idinagdag pa ni Solomero na umaasa siyang karamihan sa mga urban areas sa rehiyon ng Cagayan Valley ay ipapatupad ang proyektong ito dahil ito ay makapagbubukas sa isipan ng mga tao na ang pagtatanim ay mahalaga sa komunidad.
Nagpapasalamat naman si DSNCC Chairman Buencamino Cadiz sa DAR regional at provincial office na pinamumunuan nina Solomero at PARPO II Eunomio Jr. P. Israel para sa pagbibigay ng tulong teknikal at mga gamit pang-agrikultura.
Ang DSNCC ay may 69 kasapi, kung saan 56 dito ay mga agrarian reform beneficiaries.