Agrarian Reform Beneficiaries Organization (ARBO)-members kasama si DAR-Nueva Vizcaya PARPO Dindi Tan habang tinitikman ang lasa ng Vizcayano’s own brand brewed coffee.
“Bumili ng lokal! Tangkilikin ang lokal na produkto! Suportahan natin ang mga magsasakang-benepisyaryo upang maipagpatuloy nila ang pagsuporta sa ating bansa, lalo na sa panahon ng pandemya,” ito ang mensahe ni Department of Agrarian Reform (DAR) – Nueva Vizcaya provincial agrarian reform program officer Dindi Tan habang personal niyang ininspeksiyon ang operasyon ng Tiblac-Langak Farmer’s Association Inc. (TLFAI), isang agrarian reform beneficiaries organization (ARBO) sa Ambaguio, Nueva Vizcaya.
Buong pagmamalaking ibinalita ni Tan na ang Ambaguio ay isa sa mga bulubunduking munisipalidad sa Nueva Vizcaya na nagtatanim ng dalawang (2) uri ng kape, ang Arabica at Robusta.
Personal na dinalaw ni Tan ang lugar at sumubok na gawin ang mga hakbangin sa pagpoproseso ng kape – mula sa paggiling, pagpapatuyo hanggang sa pagpapakete at tinulungan din niya ang mga magsasakang-benepisyaryo sa pagbuo ng bagong tatak ng kanilang produkto!
Nauna dito, ang DAR-Nueva Vizcaya ay naging instrumento sa paggawa ng bagong tatak at label ng “Robustica Coffee” kahit sa panahon ng pandemya. Sinabi ni Tan na nakahanda ang DAR na tulungan ang mga magsasaka na magdala ng kanilang mga produkto mula sa Nueva Vizcaya patungong Maynila.
“Patuloy kaming tutulong at gagabay sa aming mga ARBOs sa lahat ng yugto ng kanilang operasyon upang mapanatili ang kanilang negosyo,” aniya.
Ayon kay Tan, naapektuhan ang presyo ng kape sa lokal na industriya.
“Ang mga magsasaka na nasa negosyo ng kape ay nahihirapang magpresyo ng kanilang produkto na nakakaapekto sa kanilang negosyo,” dagdag niya.
Sinabi niya na ang DAR-Nueva Vizcaya ay nakikipagtulungan sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture at ang Department of Trade and Industry upang matulungan ang mga magsasaka sa pagbuo at pagbebenta ng kanilang mga produktong tulad nito
“Ang pagtutulungan ng mga ahensya ang magbibigay daan upang sila ay manatili sa kalakaran sa panahong ito,” dagdag niya.
“Bili na po kayo! Tulungan natin ang ating mga magsasakang-benepisyaryo ng repormang agraryo!” pagtatapos ni Tan.
Nueva Vizcaya provincial agrarian reform program officer Dindi Tan PARPO Dindi Tan ipinagmamalaking iindorso ang Vizcayano’s ‘Ambaguio Kapi’