image

Inaprubahan na ng Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry [DA-BPI] ang bagong uri ng bigas na kung tawagin ay Golden Rice para sa pagpparami nito.

Ang permiso para sa commercial propagation ng Golden Rice ay nilagdaan ni Director George Y. Culaste ng DA-BPI noong ika-21 ng Hulyo 2021. Bago pa man ito maaprubahan, sumailalim ang Golden Rice sa masusing pagsusuri na isinagawa ng Department of Science and Technology [DOST], Department of Agriculture [DA], Department of Environment and Natural Resources [DENR], Department of Health [DOH], at Department of Interior at Local Government [DILG], alinsunod sa Joint Department Circular No.1, Series of 2016.

Ang Golden Rice ay may beta carotene na nagiging vitamin A sa ating katawan. Makatutulong ito para sa malinaw na paningin, malakas na pangangatawan laban sa impeksyon, at tamang paglaki. Kapag kulang sa vitamin A, humahantong ito sa kondisyon na kung tawagin ay vitamin A deficiency o VAD. Kapag nangyari ito, humihina ang resistensya, nagiging sakitin, at maaaring maging sanhi ng pagkabulag kung hindi maaagapan.

Ayon kay Dr. John C. de Leon, executive director ng DA-PhilRice, dinebelop ang Golden Rice upang maging karagdagang tugon sa VAD na nananatiling suliranin sa ating bansa.

Sa kasalukuyan, nasa dalawa sa bawat sampung pamilyang Pilipino lamang ang nakakakuha ng tamang nutrisyon ng vitamin A.

Ayon sa pag-aaral, ang isang tasang Golden Rice ay makapagbibigay ng 40% ng vitamin A na kinakailangan ng mga batang edad anim na buwan hanggang limang taon.

Maituturing na isang tagumpay itong commercial propagation permit ng Golden Rice hindi lamang para sa mga mananaliksik sa likod nito, kundi lalo’t-higit sa mga Pilipinong nangangailangan ng sapat na nutrisyon.

Sa wakas, malapit nang maging abot-kamay para sa ating mga kababayan ang bigas na tutulong magpababa ng insidente ng VAD lalung-lalo na para sa mga sanggol at nagpapasusong ina.

Ngayong may permit na ang Golden Rice, maaari nang umpisahan ng DA-PhilRice ang pagpaparami ng mga binhi nito. Uumpisahan ang pamamahagi ng binhi sa mga piling lugar kung saan may mataas na insidente ng malnutrisyon. Kalaunan ay magbabalangkas ng isang maayos na programa sa pagdedeploy ng Golden Rice sa mga lugar na higit na nangangailangan nito.

Para sa karagdagang impormasyon sa Golden Rice, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. I-follow din ang Facebook nito (GoldenRicePh) nang updated ka sa usaping Golden Rice! #GoldenRicePH #GoldenRiceMalapitNaTo #GoldenAprub.

image