image

Magkakaroon ng paglulunsad ng aklat ang Komisyon sa Wikang Filipino sa 18 Agosto 2021, 10:00 nu Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Palace Complex, Lungsod Maynila.

Ang ilulunsad na mga aklat ay ang Paglalaping Makadiwa sa Sinugbuanon’g Binisaya (Lita A. Bacalla); Alaala ng mga Pakpak (Mariel G. Balacuit at Eugene Y. Evasco); Antolohiya ng mga Kuwentong-bayan ng Surigaonon (Aisah B. Camar); Mga Drama para sa Dulaang Pambatà; Mga Dula para sa Teatrong Pambatà (Arthur P. Casanova); Tawid-diwa (Dexter B. Cayanes); Tíra Bákal (Christian M. Fajardo); Pananalig sa Batà (Wenny F. Fajilan); Mga Dula ni Njel de Mesa (Njel de Mesa); Mga Dula ni Severino Montano (Severino Montano; Lilia F. Antonio); Introduction to Bikol: A Bikol-Legazpi Language Book for Filipinos ang Foreigners (Angela E. Lorenzana). Ang mga aklat na ito ay bunga ng proyektong KWF Publikasyon.

Ang KWF Publikasyon ay isang proyekto ng ahensiya na naglalayong lumikha ng aklatan ng mamamayan na magtataguyod at magtatampok sa kakayahan ng wikang Filipino at mga wikang katutubo bílang wika ng paglikha at saliksik. Pangarap din nitóng magtakda ng mataas na pamantayang pampublikasyon sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga akdang de-kalidad, mahahalaga, at yaong may natatanging ambag sa karunungan ng bayan at mundo. Gayundin, nilalayon nitóng maglaan ng higit na espasyo para sa mga akda mula sa mga rehiyon, mga teknikal at malikhaing akda. Sa gayon, ang karunungan ng bayan ay maipalalaganap sa publiko.

Ang paglulunsad ng aklat ay isa sa mga paraan ng KWF upang ipakilala sa publiko at palaganapin ang mga karunungan mula sa mga dalubhasa sa wika na kabílang sa iba’t ibang institusyong pangwika, pangkultura, at pang-edukasyon.

Ang paglulunsad ng aklat ay isa sa mga natatanging gawain ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa pangangasiwa ni G. Jomar I. Cañega. Ang KWF ay nása pangangasiwa ni Tagapangulong Arthur P. Casanova, komisyoner para sa wikang Tagalog.

Ang paglulunsad ng aklat ay mapapanood nang live sa opisyal FB page ng Radio Television Malacañang (RTVM), National Commission for Culture and the Arts, at Komisyon sa Wikang Filipino.

Para sa mga nais dumalo sa Zoom, maaaring makipag-ugnayan kay G. Rolando T. Glory sa #09087663290 o mag-email sa rolandoglory1@gmail.com.