image

Pinagkalooban kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng dalawang (2) hauling trucks na nagkakahalaga ng Php 539,000  bawat isa ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na kasapi ng organisasyon na tinutulungan ng ahensiya sa lalawigan ng Albay.

Ang mga organisasyong ito ay ang Southern Legazpi Urban Barangays (SLUB) sa Bgy. Banquerohan, Legazpi City, at Masarawag Composite Farmers’ Association (MACFA) sa Bgy. Masarawag, Guinobatan Albay.

Ang probisyon ng suportang serbisyo ay ipinagkakaloob sa mga ARBOs, o mga grupo ng mga magsasaka na itinatag ng DAR kung saan ang mga magsasakang miyembro rito ay may iisang  layunin na mapagyaman ang kanilang mga bukirin at pinagkakakitaan, at alam din nila ang kanilang prayoridad, suliranin at kinakailangan.

Ayon kay Bicol Regional Director Rodrigo Realubit ipinagkaloob ng DAR ang mga traktora bilang tugon sa kanilang hiling na matulungan sila sa pagbibiyahe ng kanilang mga produkto sa merkado dahil napakataas ng gastusin nila sa transportasyon.

“Bukod sa mapapagaan ng mga makinarya ang kanilang trabaho, makapagbibigay rin ito ng dagdag kita dahil makakatipid sila sa gastusin sa transportasyon. Ang hinihiling ko lang ay alagaan nila ito ng maigi upang palaging nasa mabuting kondisyon,” ani Realubit.

Idinagdag pa niya na ang mga traktora ay bahagi ng support facilities para sa mga ARBOs sa ilalim ng Linking Smallholder Farmers to Markets with Microfinance (LinkSFarMM) na programa ng DAR, kung saan tinutulungan nito ang mga maliliit na magsasaka na madagdagan ang kanilang kita at maipasok nila ang kanilang produkto sa mas malaking merkado.