image

Tuluyan ng inilipat ng dating pamunuan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pamumuno sa bagong talaga ng Malacañang na bagong kalihim nitong nakaraang araw ng Nobyembre 8, 2021.

Mula kay dating Agrarian Reform Secretary John Castriciones, humalili sa kanyang posisyon si dating DAR undersecretary for foreign assisted and special projects office Bernie Ferrer Cruz, na itinalaga ng Malacañang bilang Acting Secretary sa ginanap na turnover ceremony na ginanap sa DAR covered court, Diliman, Quezon City.

Nangako naman ang bagong upong Acting Secretary, na itutuloy nya ang mga naiwang proyekto ng dating kalihim ng DAR. At pangungunahan niya ang ahensiya na dalhin ang kaunlaran sa kanayunan at bibigyang  prayoridad ang mga pangangailangan ng mga magsasakang-benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng DAR.

Sinabi ni Cruz, na bukod sa pagbibigay-priyoridad sa mga pangangailangan ng mga magsasaka, pabibilisin din nito ang pamamahagi ng mga certificates of land ownership award (CLOAs) sa mga agrarian reform beneficiaries (ARB), gayundin ang pagbibigay ng mga suportang serbisyo sa mga ARB organizations (ARBOs) at pabilisin ang pag resolba ng mga kaso sa ilalim ng pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

“Sa ilalim ng aking pamumuno, dodoblehin ng ahensiya ang pagsisikap na maipamigay ang mga natitirang lupa sa mga magsasakang walang lupain, ang pagkakaloob ng suportang serbisyo sa mga ARBs at pagbibigay ng hustisyang panlipunan sa mga agrarian reform communities,” ayon pa dito.

Ayon kay Cruz, na ang pagsasama-sama ng mga lupain ang pinakamahusay tungo sa pagpapabuti ng agrikultura, kabuhayan at produksiyon. Aniya, dalawang inisyatiba ang isinusulong ng DAR, kasama na ang proyektong “Mega-Farm” at ang Inclusive Partnerships for Agricultural Competitiveness Project.

“Layunin ng nasabing inisyatiba na mapabuti ang ugnayan sa merkado at makapagkumpitensya ang mga magsasaka at matulungan ang DAR sa pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na institusyon na maaaring tumulong sa pagbuo ng kapital, mga kasanayan sa pamamahala, at pananaliksik at pag-unlad,” ani Cruz.

Inihayag din ni Cruz, ang pagpapabuti sa produksyon ng mga magsasaka para lumaki ang kita. Malaking tulong ito upang mahikayat ang pagpapalago ng agrikultura at maging inspirasyon sa mga susunod na henerasyon na ipagpatuloy ang pagsasaka, na parehong kritikal sa pagkamit ng seguridad sa pagkain ng bansa.

“Nakatuon tayo na dalhin ang industriyalisasyon sa sektor ng agrikultura at sa pamamagitan ng pagkakaloob ng suportang serbisyo gaya ng iba’t ibang livelihood opportunities, infrastructure projects, farm machineries at equipment, capability-building trainings, loan facilities, at iba pa. Makakamit natin ang matatag na ekonomiya sa kanayunan,” dagdag pa nito.

Matatandaan na  malaki ang naging papel na ginampanan ni Cruz para sa pag-apruba ng World Bank (WB) ng DAR’s Support to Parcelization of Land to Individual Title (SPLIT).

Ang programa ng SPLIT ay naglalayong mabigyan ang kabuuang 1.1 milyong agrarian reform beneficiaries, na sakop sa ilalim ng collective certificates of land ownership award (CCLOA), ng pagkakataong tukuyin at ariin ang kani-kanilang indibidwal na titulo ng lupa at mga lote ng sakahan.

Inaprubahan ng WB ang loan package na nagkakahalaga ng P24 bilyon para sa pagpapatupad ng SPLIT program, na binubuo ng 78% loan proceeds na nagkakahalaga ng PhP 19.240 bilyon at 22% GOP counterpart na nagkakahalaga ng PhP 5.385 bilyon.

Ang proyekto ay ipatutupad ng DAR sa 78 probinsya sa 15 rehiyonal na tanggapan.

Si Cruz ay itinalaga ng Malacañang para humalili kay dating Agrarian Reform Secretary John Castriciones na nagdesiyong tumakbo bilang senador sa darating na 2022 eleksyon sa ilalim ng partido PDP-Laban.

image

image