Namigay kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng North Cotabato ng vegetable farming starter kit, na may kabuuang halaga na Php53,890, sa Amazion Agrarian Reform Beneficiaries’ Association.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Rodolfo Alburo ang farming kit na tinanggap ng isang DAR-assisted organization ay ipinagkaloob sa ilalim ng Buhay sa Gulay project.
“Ang Buhay sa Gulay project ay nakadisenyo bilang isang self-help start-up livelihood project. Layunin nito na mabawasan ang kahirapan at kagutuman sa mga kanayunan,” ani Alburo.
Sinabi ni Alburo na ang asosasyon ay tumanggap ng starter kit na kinabibilangan ng binhi ng gulay, pataba, at mga kagamitan sa paghahalaman.
Nagpasalamat din si Amazion ARB Association President Felix Ajoc, Jr. sa mga tinanggap nilang iba’t ibang binhi ng gulay mula sa DAR kasama na ang dela-delata ng mga talong, ampalaya, pipino at sako ng sitaw at okra.
Kasama rin sa kit ang anim na sako ng 16-20-0 at pitong sako ng 18-46-0 na pataba.
“Ang dalawang unit ng battery-operated sprayer, pitong yunit ng hand sprayer, walong roll ng vegetable twine, dalawang asarol, pitong roll ng atlas tie na ibinigay sa amin ay malaking tulong upang mapagbuti namin ang aming mga pananim,” ani Ajoc.
Ang mga kasapi ng Amazion ARB Association ay tatamnan ng iba’t ibang gulay ang kalahating ektarya ng lupain, upang masiguro na may sapat at patuloy ang suplay ng pagkain sa lokal na pamilihan.