Tanay Rizal – Pitong senior citizen at isang menor de edad na bata ang namatay matapos suyurin ng rumaragasang tubig ang kanilang jeep na sinasakyan matapos tumagilid habang tumatawid sa ilog.
Kinilala ng Rizal Provincial Police Office (PPO) ang pitong senior citizens at isang menor de edad na nasawi na sina: Teresita Quinto, Maylard Keith Fernandez, Leonida Doroteo, Salvacion Delgado, Carmen dela Cruz, Esmena Doroteo, Avelino Buera at Teodora Buera. Kinilala naman ang jeepney driver na si Jun Pio Domayik Jr. na kung saan ito ay nawawala.
Base sa inisyal na imbestigasyon, kasalukuyan umanong tinatawid ng jeep ang isang ilog sa Tanay ng ito ay mabalahaw sa malalim na bahagi ng ilog.
Sa inbestigasyon naman ng Tanay Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Norberto Francisco Matienzo Jr., galing sa town proper ang jeep at may lulan na 25 pasahero nang maganap ang aksidente dakong alas-8:15 ng gabi kamakalawa .
Sinasabing, nagpabatak umano ang jeep sa isa pang jeep na pumapasada rin ng biglang magkaroon ng- flash flood na naging sanhi ng pagtagilid ng binabatak na jeep na siyang dahilan ng pagkasawi ng pitong senior citizen kasama na ang isang 5 taong gulang na bata.
Ang ibang pasahero ay dinala na sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng kaukulang lunas kasama ang asawa di umano ng jeepney driver na sinakyan ng mga biktima.
Pagkatapos ng insedente, dinala ang mga na-recover na bangkay sa covered court ng Barangay Sta. Ines, Tanay, Rizal habang inaantabayanan ang mga susunod na gagawin.
Sinasabing ang mga namatay na senior citizen ay nagtungo sa bayan para humingi ng tulong pinansyal sa gobyerno at bumili ng mga personal na gamit para sa kanilang pangangailangan.