Sa panawagan ni SILG Atty Benjamin “Benhur” Abalos Jr, na lahat ng heneral at full-pledged colonels sa buong Philippine National Police (PNP) ay kailangang magsumite ng kanilang courtesy resignation para magkaroon ng bagong panimula at manalo laban sa droga.
Pinangunahan ni NCRPO, PMGEN Jonnel C. Estomo ang paglagda sa courtesy resignation at sumailalim sa surprise drug examination kasama ang third level commissioned officers ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Bicutan Taguig City.
Kabilang sa third level officer ang lahat ng koronel at heneral sa NCRPO. Lahat ng sample na kinuha matapos ang surprise drug test sa 72 sample ng ihi, lahat ay nagnegatibo. Ito ang kinumpirma sa ulat na isinumite ng PNP Crime Laboratory Field Office na nakabase sa Camp Bagong Diwa kahapon sa Regional Director.
“Sa simula, kasama ko ang pamunuan ng PNP sa paglilinis ng ating hanay ng mga drug protectors at scalawags. Gaya ng sinabi ko noon na kapag may mapatunayang positibo sa ilegal na droga, siya ay awtomatikong ituturing na nagbitiw kaagad sa serbisyo.”
Sa kabutihang palad, wala sa mga kasama kong opisyal ang nag positibo sa naging resulta ng pagsusulit. Isa itong magandang panimula at indikasyon sa marangal na layunin ng ating SILG at ng ating punong PNP na linisin ang organisasyon, ayon pa kay Estomo.
Ipinaabot din ni Regional Director PMGEN Estomo sa iba pang kapulisan na magpapatuloy ang surprise random testing sa ilalim ng kanyang tungkulin upang maalis ang mga pulis na gumagamit ng droga sa Metro Manila.
“Mahalagang bigyang-diin na ang mga nagsumite ng courtesy resignation ay hindi gumagamit ng droga. Ito ay magpapatibay sa 5-man assessment committee sa kanilang evaluation na isasagawa. Sa kabilang banda, maaari itong magsilbing mahigpit na babala sa lahat ng pulis sa rehiyon. Walang sinuman ang maaaring tumakbo o magtago sa patuloy na pagsasagawa ng random drug testing”, dagdag pa ni PMGEN Estomo. (Alfred Patriarca)