Patuloy ang pagsusulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa programang “Cassava Livelihood Program” sa ilalim ng “Corn Banner Program” na naglalayong palawigin ang paggamit ng kamoteng-kahoy bilang alternatibong hanapbuhay tungo sa pagpapataas ng suplay at demand ng naturang produkto sa merkado.
Kaugnay nito, isang pagsasanay sa paggawa ng mga patok na putaheng kamoteng-kahoy ang isinagawa kamakailan, katulad ng Cassava Cake, Cassava Chips, Cassava Polvoron, at Cassava Pichi Pichi. Ito ang inihanda ng (DA-4A) para sa 112 senior citizens sa Indang, Cavite noong ika-28 ng Abril, 2023.
Sa pangunguna ng DA-4A Lipa Agricultural Research Experiment Station (LARES) ay nagkaroon ng demonstrasyon sa pagluluto ng nasabing mga putahe kalakip ang pamimigay ng mga polyetos tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagproseso sa mga pagkaing gawa sa kamoteng-kahoy.
Samantala, ang isinagawang pagsasanay ay opisyal na idinulog ng samahan ng Kayquit-III Senior Citizen Association (KaSCA) sa DA-4A bilang parte ng kanilang ika-15 taong anibersaryo.
Ayon kay Gng. Vilma Constante na miyembro ng KaSCA, nagpapasalamat sila na sa kabila ng kanilang edad ay binigyan sila ng pagkakataon ng DA-4A na matutunan ang kapakinabangan ng produktong kamoteng-kahoy na maaari rin nilang maituro sa kanilang mga anak at apo.
Ang kamoteng-kahoy o cassava ay isang uri ng halamang-ugat na nagsisilbing pangunahing pagkain sa Pilipinas. Pangatlo ito sa mga pinagkukunan ng carbohydrates (kasunod ng palay at mais). Maharina ang ugat nito, na nagtataglay ng calcium, fiber, iron, potassium, vitamin C, at iba pa na kayang magbigay sa tao ng sapat na enerhiya sa araw-araw. (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)