Pinanumpa ni DAR Secretary Conrado Estrella III nitong nakaraang Huwebes, Mayo 4, ang labing-isang (11) bagong na-promote at itinalagang tauhan ng Department of Agrarian Reform (DAR) mula sa Lanao del Norte at Misamis Occidental. Ang nasabing panunumpa ay ginanap sa Tubod, Lanao del Norte.
Binati ni Estrella ang mga bagong promote na Municipal Agrarian Reform Officers at Chief Agrarian Reform Program Officers. Umapela ito sa mga bagong talagang opisyal na panatilihin ang integridad, dedikasyon, at katapatan sa pagseserbisyo publiko.
“Ngayong nanumpa na kayo, mga lingkod-bayan na kayo. Lahat kayo ngayon ay katuwang ng DAR sa pag-angat ng buhay ng mga magsasaka at sa pagkamit ng rural development,” ani Estrella.
Hinimok naman ni DAR Regional Director Zoraida Macadingdan ang mga empleyado na gampanan ang kanilang mga tungkulin ng may kakayahan, mahusay, at maaasahan. Hinimok din Macadingdan ang mga kawani na maging magandang ihemplo at epekto sa buhay ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa pamamagitan ng pagpapatupad ng agrarian reform program.
“Nais kong ipaalala sa inyo na kayo ay tinanggap bilang miyembro ng burukrasya ng ahensyang ito. Ang pagkakataong ito ay hindi para sa lahat kundi isang responsibilidad na tinanggap ninyo. Ngayon, dapat ninyong gamitin ang inyong mga responsibilidad ayon sa iyong abilidad, kapasidad, at kakayahan upang mapabuti ang buhay ng ating mga magsasaka,” ayon pa kay Macadingdan.