Sa ginanap na 33rd Founding Annibersary ng National Capital Region Police Office (NCRPO) pinangunahan ni Regional Director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. ang nasabing okasyon, kasama ang matataas ng opisyal ng National Capital Region (NCR) Police District at ilang kapulisan sa nabanggit na mga distrito.
May temang ‘Serbisyong Nagkakaisa at may Malasakit sa Kapwa, Tungo sa Maunlad at Ligtas na Bansa,” pagpapahiwatig na palaging kaagapay ng mamamayan ang kapulisan ng NCRPO sa ilalim ng liderato ni Regional Director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Naging panauhing pandangal sa nasabing okasyon si Taguig City Mayor Lani Cayetano. Sa mensahe ng Alkalde, pinasalamatan nito ang walang sawang pagsuporta ng NCRPO sa kanilang mga adhikain na maisa-ayos ang lungsod ng Taguig. Matatandaang ang Taguig City local government unit (LGU) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ay magkatuwang sa pagbibigay ng serbisyo publiko sa siyudad, kasama rin sa lahat ng programa ng siyudad ang kapulisan, maging sa peace and order at kaayusan ng maunlad na Taguig City.
Dagdag pa ng Alkalde, kasama rin nila ang NCRPO maging sa pagsisiguro sa kaligtasan at katahimikan sa kanilang maunlad na Business District para sa paglago ng ekonomiya ng lungsod.
Malaki rin ang pasasalamat ni Mayora Cayetano dahil naging bahagi ang PNP sa maayos na pagsalin ng Barangay EMBO bilang bahagi na ng Taguig. “Maraming salamat po sa inyong assistance at pag-transfer po ng dalawang substation mula sa Makati patungo sa Taguig,” ayon pa sa alkalde.
Si Mayor Cayetano rin ang nagsabit ng parangal at nagbigay ng award ng kagitingan sa mga natatanging opisyal ng kapulisan na lumutas ng mga krimen sa kani-kanilang mga distrito na nasasakupan.
Sa mga nagawang tulong ng NCRPO sa lungsod, hindi naman nagpabaya ang pamunuan ng siyudad. Nagbigay naman ang lungsod ng baril at sasakyan, para magamit sa peace and order at pagpapatrolya sa nasabing siyudad. Hindi rin pinabayaan ng Taguig ang bawat pamilya ng PNP personnel. Binigyan din nila ng scholarship program ang mga anak PNP personnel bilang tulong sa pagaaral ng mga anak nila.
Ang nasabing pagtitipon ay ginanap sa mismong NCRPO Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, nitong nakaraang Lunes Pebrero 12, 2024.