Pinangunahan ni BAUERTEK General Manager Dr Richard Nixon Gomez at anak nito na si BAUERTEK President Dr. Rigel Gomez ang isinagawang PROJECT MED CBG++ STATE OF PHILIPPINE MEDICAL CANNABIS nitong nakaraang Marso 7, 2024 kasama ang mga advocates mula sa ibat-ibang panig ng bansa, na ginanap sa Quezon City Sports Club, E. Rodriguez Sr. Ave. New Manila Quezon City.
Tinalakay sa nasabing usapin ang pagsasalegal ng medical cannabis, para tuluyan nang magamit ng mga may sakit sa bansa na nangangailangan ng nasabing gamot.
Umabot na sa senado ang isang panukalang batas na naglalayong isa-legal na ang paggamit ng cannabis o marijuana. Ang Senate Bill No. 2573 ay kasama sa Committee Report No. 210 na kamakailan ay pinirmahan ng 13 senador.
Kinilala ang mga senador na pumirma para tuluyan ng maging legal ang cannabis o marijuana ay kinabibilangan nina: Senator Robinhood Padilla, Senators Christopher “Bong” Go, Ronald “Bato” Dela Rosa, Sonny Angara, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Mark Villar, Lito Lapid, Raffy Tulfo, Ramon “Bong” Revilla Jr., Grace Poe, Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel Jr., at Senate Majority Leader Joel Villanueva. May mga pagsalungat naman ang ilang senador, habang sinabi naman ni Estrada, Pimentel, at Villanueva na sila ay mag-iinterpelasyon o magpapayo ng tamang mga amendment kapag idinulog na ang panukalang batas sa Senado.
Ayon sa panukalang batas,”ang estado ay dapat magtanggol at magpromote ng karapatan sa kalusugan ng mga tao at magtanim ng kamalayan sa kalusugan ng mga ito. Alinsunod dito, dapat lagyan at regulasyon ng estado ang medikal na paggamit ng cannabis, na napatunayang may mga benepisyo at terapeutikong gamit para sa kilalang mga nakababahalang kondisyon sa kalusugan.”
Sa ilalim ng panukalang batas na ito, ang paggamit ng cannabis para sa medikal na layunin, ay papayagan “upang gamutin o gumaan ang kondisyon sa kalusugan o sintomas ng isang pasyenteng kualipikadong gumamit nito.”
Matatandaang nitong nakalipas na taon Nov. 8, 2023, nagkaroon ng kolaborasyon ang BAUERTEK at ang Central Luzon State University (CLSU) at lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para bigyang bisa ang kasunduan. Layunin nito na makapagbibigay ng malaking oportunidad sa mga research ng mga estudyante sa nasabing unibersidad. Gagamitin din ang malawak na lupain ng CLSU para sa mga kapakipakinabang na proyekto sa tulong ng Bauertek Corp.
Kasabay ng kolaborasyon ng dalawang panig, ang pagpapasinaya sa pagtatayuan ng pinakamalawak na pasilidad ng BAUERTEK Corporation sa kasaysayan ng Pilipinas at buong mundo. Ito ay may lawak na 16 ektaryang lupain na ang gugugulin sa pagtatayo ng pasilidad ay nagkahalaga ng PHP2.75-Billion. Sa CLSU compound itatatag at itatayo ng Bauertek ang multi-million dollar na pasilidad na pinakamalaki at moderno ang mga kagamitan na gagamitin.
Sa ginanap na pagpapasinaya, sinabi ni Bauertek President Dr. Rigel Gomez sa kanyang mensahe na sa itatayong laboratoryo, dito magmamanufacture at mag-eextract at mag cucultivate ng mga halamang gamot. Dito rin gagawin ang research and development ng mga herbal plants para sa medical purposes.
Dagdag pa ni Dr. Gomez, habang hindi pa naisasabatas ang legalisasyon ng marijuana sa bansa, ito ay magsisilbi munang herbal processing center for medical purposes. Mula sa pagtatanim ng mga halamang gamot hanggang sa pagmamanufacture para maging gamot sa iba’t ibang uri ng karamdaman.
Sakali naman na maging legal na ang medical cannabis sa bansa, meron na umanong pagtataniman nito para gawing medical cannabis. Ipapanukala ni Dr. Orden na ang mga magsasaka sa nasabing lalawigan ang magtatanim at maga-aalaga ng halamang gamot na marijuana para magkaroon ng pagkakakitaan ang mga ito.
Kilala ang Bauertek sa pagiging mahusay at excellente pagdating sa pagsusuri ng iba’t ibang halamang gamot. Naging tanyag din ang Bauertek dahil sa World-Class na pagproseso ng mga halamang gamot lalo na sa pag-extract ng mga compound at pagku-cultivate ng iba’t ibang uri ng halaman. Subalit sa kabila nito, patuloy pa rin ang Bauertek sa pagnanais na lalong mapaghusay pa ang Research and Development nito.