Bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Labor Day sa Mayo 1, nagdaos ang lokal na pamahalaan ng Marikina at ang opisina ni Marjorie Ann “Maan” Teodoro, kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina City, ng isang job fair sa Marikina City Hall noong Sabado, ika-27 ng Abril, 2024.
Sinabi ni Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na may kabuuang 36 lokal na kumpanya ang lumahok sa job fair na inorganisa ng gobyerno ng lungsod sa pakikipagtulungan sa JCI Marikina Marikit. “Mayroon tayo ditong 36 na employers na naririto ngayon. Pati yung SSS at PAG-IBIG naririto na rin. Narito rin yung tanggapan ng Labor and Employment, at mga empleyado natin para makapagbigay ng advice sa mga job seekers natin,” aniya.
Ayon pa kay Mayor Marcy, layunin ng job fair na magbigay ng mas maraming oportunidad sa mga residente ng Marikina na naghahanap ng trabaho. “Ang ginagawa natin ay iniipon natin ang ibat-ibang kumpanya dito. Na i-screen din natin sila. Hindi sila pwedeng mag offer ng trabaho sa job fair natin ng walang accreditation mula sa Kagawaran ng labor and employment. Ito rin ay isang proteksyon para sa ating mga job seekers,” ayon pa sa alkalde.
“Ang maganda dito, iyong mga job seekers natin, hindi na kailangang magpalipat-lipat pa ng lugar para lumipat sa iba pang pag-aaplayan,” dagdag pa niya. Sa kasalukuyan, sa ganap na alas-9:30 ng umaga, ayon sa lokal chief executive may kabuuang 222 jobseekers na ang nakarehistro sa job fair.
Sinabi ng alkalde na ang kanilang inorganisang job fair ay hindi eksklusibo para sa mga residente lamang ng Marikina, binigyang-diin na ang mga oportunidad sa trabaho ay para sa lahat. “Binibigyan natin ng prayoridad ang mga taga-Marikina pero hindi ito eksklusibo para sa mga residente ng Marikina. Ang trabaho ay para sa lahat at hindi para sa iisang lugar lang,” ani Mayor Marcy.
“At kung mas marami ang may trabaho, mas maunlad ang ekonomiya. Kung may trabaho ang lahat, mas maunlad ang lahat.” Nagpasalamat naman si Cong. Maan sa lahat ng kumpanya na lumahok sa job fair. Hinikayat din niya ang mga jobseekers na magpatuloy sa pag-aapply upang makahanap ng trabaho. Kasama sa mga kumpanyang lumahok sa job fair sa Marikina ang mga Business Process Outsourcing (BPO) firms, bangko, mga hotel, kumpanya sa transportasyon, mga food chain, mga grocery chain, mga kumpanya sa telekomunikasyon, mga kumpanya sa konstruksyon, mga pasilidad sa kalusugan, at marami pang iba.
Mismong si Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro at ang kinatawan ng unang Distrito ng Marikina City Marjorie Ann ‘Maan’ Teodoro ang nagbabantay sa pagdaraos ng Job Fair 2024 sa City Hall noong Sabado, ika-27 ng Abril, 2024.