Isang Police Commissioned Officer (PCO) at apat (4) na Police Non Commissioned Officers (PNCOs) na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pinarangalan ng “Medalya ng Kagalingan” para sa kanilang kapuri-puri at kahanga-hangang pagtupad sa kanilang tungkulin bilang mga tagapamayapa sa ginanap na lingguhang flag raising ceremony kaninang umaga Mayo 20, 2024.
Pinangunahan ni NCRPO Regional Director, Police Major General JOSE MELENCIO C NARTATEZ Jr. ang paggawad ng “Medalya ng Kagalingan” sa limang Police matapos ang seremonya ng pagtataas ng watawat sa NCRPO Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Kabilang sa mga tumanggap ng parangal sina: PCaptain Marlou Bassig Andal para sa kanyang kahanga-hangang serbisyo sa isinagawang buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit ng Marikina City ng Eastern Police District; PSMS Rojil Gutierrez Lopez, ng DEU-NCRPO; PCpl. Paolo Jay Anicas Navarro, ng Anonas Police Station, Quezon City Police District (QCPD); PCpl. Jemuel Tutor Pule ng Station Drug Enforcement Unit (DEU) ng Caloocan City Police, Northern Police District (NPD); at PCpl. Richard Oavenga Fabul, DEU, Southern Police District (SPD).
Sa mensahe ni PMGEN Nartatez, pinaalalahanan nito ang lahat ng pulis sa Metro Manila na maging masigasig sa pagtupad ng kanilang mga nakatalagang gawain, tungkulin, at responsibilidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa loob ng kalakhang Maynila.
Binigyang-diin din ni Nartatez na ang pamunuan ng NCRPO ay patuloy na magpapataas ng morale ng mga pulis na maayos na ginagampanan ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng merit system, habang nagbabala sa mga pasaway na pulis na walang puwang ang mga tiwaling pulis sa ilalim ng kanyang pamamahala.