Tiniyak ni NCRPO Regional Director PMGen. Melencio Nartatez Jr. na handa ang kanilang hanay para sa search and rescue operations sa panahon ng kalamidad, lalo na ngayong papasok na ang tag-ulan.
Sa isang sabayang inspeksyon ng disaster response equipment capabilities, binigyang-diin ni Nartatez na ang pagiging handa ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng tamang kagamitan, kundi pati na rin sa pagpapanatili ng positibong pag-iisip at dedikasyon sa paglilingkod sa komunidad.
Sa inspeksyon, masusing sinuri ang iba’t ibang kagamitan ng NCRPO kabilang ang mga life vest, rubber boat, rescue vehicle, drone, at ambulansiya upang matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga ito para magamit sa lahat ng aspeto ng pagsagip ng buhay.
Ang pagsusuri ay bahagi ng kanilang masusing paghahanda upang matiyak na handa silang tumugon sa anumang uri ng sakuna at emergency.
Ayon kay Nartatez, ang NCRPO ay nananatiling nakatuon hindi lamang sa pagiging maaasahang puwersa sa oras ng pangangailangan kundi pati na rin sa pangangalaga sa seguridad ng publiko laban sa mga hindi inaasahang kahirapan. Ang kanilang commitment ay nagbibigay ng katiyakan na ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan ay laging nasa kanilang prayoridad.
Sa pamamagitan ng ganitong mga hakbang, ang NCRPO ay nagpapakita ng kanilang kahandaan at dedikasyon sa tungkulin, lalo na sa panahon ng mga kalamidad kung saan ang mabilis at epektibong pagtugon ay napakahalaga upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.