image

Pangungunahan ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) ang pagdiriwang ng ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Hunyo 9, Linggo, sa pamamagitan ng civic walk na tinatawag na “FFCCCII Lakad Magkaibigan.” Mahigit 5,000 katao ang lalahok sa lakad na magsisimula sa Binondo, Manila at magtatapos sa Bonifacio at Katipunan Revolution Shrine sa Padre Burgos Avenue, Manila.

Kasamang makikilahok sa civic walk ang Filipino Chinese Amateur Athletic Federation (FCAAF), Pamahalaang Lungsod ng Maynila, at Philippine Sports Commission (PSC). Ang “FFCCCII Lakad Magkaibigan” ay sabay-sabay ring isasagawa sa Bacolod, Cebu, Tacloban, at Palawan.

Ang Hunyo 9 ay Filipino Chinese Friendship Day, alinsunod sa kasunduan sa pagitan ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr. at yumaong Chinese Premier Zhou Enlai noong Hunyo 9, 1975, na nagtatag ng opisyal na ugnayang diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ang FFCCCII, na binubuo ng 170 Filipino-Chinese chambers of commerce, ay aktibo sa pagsusulong ng kaunlarang pang-ekonomiya, kawanggawa, sosyo-sibiko, at kultural. Ayon kay FFCCCII President Dr. Cecilio K. Pedro, ang proyekto ay para ipakita na handang tumulong ang Filipino-Chinese community sa mga Pilipino.

Inaasahan ni Dr. Pedro na makakatulong ang Galleon periodical o magazine na makalikha ng trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino. Sinusuportahan din ng FFCCCII ang pagbaba ng presyo ng bigas at ang pagbabawas ng taripa mula 35% patungong 15%.

Tiniyak ni Dr. Pedro na ipaglalaban nila ang teritoryal na soberanya at pangingisda sa West Philippine Sea. Bukod dito, layunin nilang magsulong ng pamumuhunan sa industriya ng pagmamanupaktura sa Pilipinas.

Magsasagawa rin sila ng tree-planting activities kasama ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Dagdag pa ni Dr. Pedro, magpapalawak ang Hapee Toothpaste sa larangan ng kosmetik upang makalikha ng mas maraming trabaho.

Ayon naman kay Jeffrey Ng, Chairman ng FFCCCII Youth Committee, maglalathala sila ng isang magazine tungkol sa Manila Galleon trade business upang itaguyod ang trade fair sa pagitan ng Pilipinas at China.

image