image

Sa paggunita ng “National No Smoking Month” ngayong Hunyo at matapos maulat ang unang pagkamatay na may kaugnayan sa paggamit ng vape sa bansa, nanguna ang Philippine Smoke-Free Movement (PSFM) sa isang aktibidad na naglalayong maiwasan ang nicotine addiction sa kabataan.

Sa programa na ginanap sa Tondo, Manila, nagtipon ang iba’t ibang organisasyon at mahigit 70 magulang upang palawakin ang kamalayan ng mga batang Manileño tungkol sa mga panganib ng paninigarilyo at vaping.

Ayon kay Rizza Duro, National Coordinator ng PSFM, ang unang “vape-related death” ay nagpapakita ng pangangailangan na tutukan ng mga lokal na pamahalaan ang isyu. “Ang laban sa nicotine addiction ay laban para sa kinabukasan ng ating mga anak. Kailangan magsimula tayo ngayon upang maprotektahan ang kanilang kalusugan at kinabukasan,” sabi ni Duro.

Nanawagan din si Duro ng mas mahigpit na regulasyon sa advertising ng vape at tabako, lalo na sa online na pagbebenta. “Napakadaling bilhin at i-access ang vapes, lalo na ang may child-friendly flavors,” dagdag niya.

Ayon kay Remy Cabello, lider komunidad at tagapangulo ng AKTIB-Manila, mahalagang maglunsad ng mga aktibidad tulad ng storytelling para maturuan ang mga bata at magulang tungkol sa masamang epekto ng nikotina. “Mahalaga na agad turuan ang mga kabataan tungkol sa epekto ng nikotina. Mahalaga rin ang papel ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak,” aniya.

Nanawagan naman si Au Quilala, Deputy Executive Director ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development, na maglunsad ng early prevention awareness activities ang pambansa at lokal na pamahalaan. “Kailangan ng suporta mula sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno upang maprotektahan ang kabataan mula sa mapanlinlang na estratehiya ng industriya ng tabako,” sabi niya.

Ang aktibidad na ito ay tugon sa ulat ng Global Youth Tobacco Survey na nagsasabing isa sa bawat pitong Pilipinong edad 13 hanggang 15 ay gumagamit na ng vape.

Bahagi rin ito ng Presidential Proclamation No. 183 na nagdedeklara sa Hunyo bilang National No-Smoking Month, na naglalayong hikayatin ang mga Pilipino na itigil ang paninigarilyo at ipaalam ang mga panganib nito.

Sa mensahe ni Manila Vice Mayor Yul Servo, sinabi niya na kaisa ang Manila City government sa pagpapatupad ng mga programa upang mailayo ang kabataan sa nicotine addiction. “Sa ating paggunita sa National No Smoking Month, sama-sama nating isulong ang mas malusog na pamumuhay. Ang malusog na lungsod at mamamayan ay mga sangkap para sa isang malusog na bayan!” ayon kay Servo.

image