Libreng medikal at pisikal na eksaminasyon, konsultasyon, gamot, at mga pangunahing laboratory test ang natanggap ng 5,000 residente ng Lungsod ng Mandaluyong sa ilalim ng “Lab For All: Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat” ng National Government.
Ang espesyal na PRIDE edition ng programa ay pinangunahan ng Unang Ginang Liza Marcos at ilang miyembro ng gabinete, kasama sina Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos. Ginawa ito sa Mandaluyong College of Science and Technology (MCST) Gymnasium noong Lunes, June 24.
Dumalo rin sa programa sina: DILG Secretary Benhur Abalos, PhilHealth President at CEO Emmanuel, Ledesma, Pag-lBIG Fund CEO Marilene Acosta, FDA Director General Samuel Zacate, PAO Chief Persida Rueda-Acosta, TESDA Secretary Suharto Mangudadatu, DMW Secretary Hans Leo Cacdac, DSWD Secretary Rexlon Gatchalian, Mandaluyong City Congressman Boyet Gonzales, City of Bataan 1st District Congresswoman Geraldine Roman at LGBT Pilipinas President Dindi Tan.
Pinasalamatan ni Mayor Ben at Vice Mayor Menchie ang Unang Ginang Marcos sa pagdala ng Lab For All program PRIDE edition sa lungsod bilang karagdagang serbisyo medikal para sa publiko.
Inilunsad ni Presidente at Unang Ginang Marcos ang Lab For All program noong Mayo bilang isang community-based na healthcare project alinsunod sa Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Act. Ang programang ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga medical mission at outreach program sa mga komunidad sa buong bansa.