Mainit na tinanggap ng DepEd Employees Union ang bagong upong kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Juan Edgardo “Sonny” Angara. Ayon kay DepEd EU President Domingo Alidon, ikinagagalak ng mga non-teaching personnel ang pagdating ni Angara at umaasa sila na matutupad ang limang pangunahing layunin ng unyon, kabilang ang paggalang sa kalayaan sa organisasyon.
Sinabi ni Alidon na umaasa silang magkakaroon ng pagkakataon na personal na makausap at maka-daupang palad si Secretary Angara upang talakayin ang kalagayan ng mga non-teaching personnel. Ito ay bunsod ng kanilang karanasan sa dating kalihim, si VP Sara Duterte, na sa loob ng dalawang taon ng panunungkulan ay hindi man lang nakipag-usap o nakaharap ng Employees Union.
Idinagdag ni Alidon na plano nilang mag-courtesy call kay Secretary Angara upang personal na maiparating ang kanilang pagbati at karaingan ng mga non-teaching personnel. Inihahanda na rin nila ang mga bagong proposal para sa napipintong renegosasyon ng kanilang Collective Negotiation Agreement (CNA).
Ayon kay Alidon, umaasa silang ipagpapatuloy ni Secretary Angara ang mga programang nasimulan ni VP Sara tulad ng Matatag Curriculum at iba pang benepisyo para sa mga guro at non-teaching personnel. Hihilingin din nila na hindi gagamitin ang departamento para sa political agenda at magiging apolitical ang Department of Education.
Inaasahan nila na hindi magpapadikta si Secretary Angara sa sinumang gustong mag-interfere sa internal operations ng DepEd at paninindigan ang good governance. Hihilingin din nila na magkaroon ng transparency sa pamamalakad, lalo na kung may savings o mga insentibo na ipamimigay sa mga manggagawa.
Hihilingin din nila kay Secretary Angara na bumaba sa grassroots level at magkaroon ng face-to-face na pag-uusap upang maiparating ang mga isyu at concerns ng mga manggagawa, lalo na ng mga non-teaching personnel. Nais nilang magkaroon ng pagkakataon ang mga union officers na makipagdayalogo sa management, hindi lamang sa mga undersecretaries o assistant secretaries.