MANDALUYONG CITY — Kahit na may bagyong Carina, dumalo pa rin si Department of Education (DepEd) Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara sa pagsisimula ng Brigada Eskwela sa Mandaluyong City. Ang Brigada Eskwela ngayong taon ay may temang “Matatag Bansang Makabata Batang Mabansa,” bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.
Kasama ni Angara sina DepEd Undersecretary Atty. Revsee A. Escobedo, DepEd NCR Regional Director Jocelyn D. R. Andaya, at iba pang opisyal ng DepEd.
“Bagamat malakas ang ulan, ito’y isang ‘Sonny’ na araw,” sabi ni Andaya. Sinabi niya na may tatlong milyong mag-aaral na ang nasa mga paaralan at ang mga guro ang tunay na bayani sa edukasyon.
Sa mensahe ni Vice Mayor Carmelita Abalos, binanggit niya na si Angara ay kilala at minamahal ng mga taga-Mandaluyong dahil ang kanyang asawa ay taga-roon.
Kasama rin ni Secretary Angara si MMDA General Manager Undersecretary Procopio Lipana sa Brigada Eskwela na ginanap sa Mataas na Paaralang Neptali A. Gonzales (MPNAG) sa Nueve de Febrero St., Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City. Dumalo rin sina MMDA AGM for Operations David Angelo Vargas at mga kinatawan mula sa LGU ng lungsod.
Pinangunahan ni Vice Mayor Carmelita “Menchie” Abalos at Chief Education Supervisor Rex A. Ado ang 2024 Brigada Eskwela division kickoff sa MPNAG Senior High School Covered Court. Dumalo rin ang mga City Councilors, Division officials, school officials, Federation of PTA, Federation of Teachers, Barangay captains, mga sponsors, at mga contingents ng PNP at BFP. Nabanggit din ang Science and Technology program at special program.
Bago ang kickoff ng Brigada Eskwela, isang motorcade ang naganap mula sa mga paaralan patungo sa main venue sa MPNAG SHS Covered Court ng alas-7 ng umaga.
Dumalo rin sina Mayor Benjamin S. Abalos, Mandaluyong (Lone District) Rep. Neptali M. Gonzales II, at Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos Jr.
Binati ni Rep. Gonzales ang lahat ng bisita at mga opisyal na dumalo sa event. Ikinuwento niya ang kanyang karanasan sa Mandaluyong Elementary School kung saan ang mga upuan at mesa ay gawa sa kahoy.
“Para malaman ninyo na ang edukasyon ay totoong nasa puso ni Secretary Angara,” sabi ni Gonzales. Ikinuwento rin niya na agad niyang binati si Angara nang malaman niyang ito ay itinalaga bilang DepEd Secretary.
Tinawag ni Angara si Rep. Gonzales na Master Parliamentarian dahil sa husay nito sa parliamentary procedures bilang Majority Floor Leader. Binanggit din ni Angara na nakatrabaho niya sina Rep. Abalos, Vice Mayor Abalos, at Councilor Charise Abalos. Ibinida niya na ang kanyang asawa, na nakatira sa Torres St., ay mula pa noong 1995 bumoboto lamang kina Abalos at Gonzales tuwing eleksyon.
Binigyang diin ni Angara na ang pinakamahabang bahagi ng SONA noong Lunes ay ukol sa edukasyon. Binanggit niya na nais ni PBBM na itaas ang kalidad ng edukasyon. Ipinahayag din ni Angara na gusto ni PBBM na magkaroon ng career progression para sa mga guro at hindi lamang magretiro bilang Teacher I.
Ikinuwento ni Angara na ang kanyang ama, si Sen. Edgardo Angara, ay nakatrabaho rin si Sen. Neptali Gonzales Sr. sa Senado ng Pilipinas.
Sinuspinde ni Secretary Angara ang RPMS upang bigyan ng mas maraming oras ang mga guro para maghanda para sa pagbubukas ng klase.
Ayon kay Dr. Romela M. Cruz, Schools Division Superintendent, may 5,000 mag-aaral sa MPNAG, kabilang ang 1,000 elementary students na inaasahang papasok sa Hulyo 29, 2024, ang pagbubukas ng School Year 2024-2025.
Dagdag pa ni Cruz na ang presensya ng mga opisyal sa Brigada Eskwela kickoff ay magiging bahagi ng kasaysayan. Ipinahayag niya ang “Bayanihan” sa Brigada Eskwela upang mabigyan ng magandang edukasyon ang mga mag-aaral para sa kanilang maliwanag na kinabukasan.
“Ang ‘Bayanihan para sa Matatag na Eskwelahan’ ay isang pahiwatig na wala na ang mga araw na sa unang araw ng pasukan ay naglilinis at nagsasanitize ang mga mag-aaral ng mga paaralan. Mandaluyong susulong magtutulong-tulong,” ani Cruz.