image

PHP9.6-bilyong halaga ng itatayong bagong Pasig City Hall complex. Sinabi ni Belgica na ito ay overpriced. Kailangang suriin ang bill ng materials upang malaman kung ano ang mga mahal na materyales.

PASIG CITY – Pasig City – Sa ikalawang episode ng Kapihan sa Metro East Media Forum na inorganisa ng PaMaMariSan- Rizal Press Corps katuwang ang “Pinoy Ako” advocacy Group, noong nakaraang Miyerkules, Agosto 7, 2024, sinabi ni Belgica na ito ang unang pagkakataon na ang Media Forum ay maririnig sa buong mundo, sa pamamagitan ng online o social media, at hindi lamang sa Pilipinas. “Binabati ko po kayo at nakikisa sa inyong ginagawa. Malaking tulong po ito sa ating bansa,” sabi ni Belgica.

Ayon kay Grego Belgica, dating Chairman ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC), ang Constitutional Convention (ConCon) ang solusyon sa mga problema ng bansa. Sinabi ni Belgica na sa pamamagitan ng ConCon, maaayos ang mga isyu sa kabuhayan, krimen, at korapsyon na nagmumula sa sobrang kapangyarihan ng mga lider na nakasaad sa kasalukuyang Konstitusyon.

Si Belgica, na dating city councilor, nakita niyang 35-40% ng pondo para sa mga proyekto ay napupunta sa komisyon, kaya’t naapektuhan ang kalidad ng mga proyekto tulad ng flood control. Bilang tugon sa SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. noong Hulyo 22, binanggit ni Belgica na ang mga proyekto sa flood control ay nasira dahil sa korapsyon, na mas lalo pang pinatunayan ng epekto ng Super Typhoon Carina at Habagat.

Ayon kay Belgica, ang 1987 Constitution ay naglilimita sa mga oportunidad sa kabuhayan at lupa. Nanawagan siya para sa isang ConCon na kinabibilangan ng mga kinatawan ng LGUs, relihiyosong grupo, at iba pa, upang mag-draft ng mga pagbabago sa Konstitusyon. Sinabi niya na maraming lider ngayon ang nag-aabuso sa kapangyarihan, na nagdudulot ng mga problemang pang-ekonomiya.

Binigyang-diin ni Belgica na ang layunin ng ConCon ay upang talakayin at magpalitan ng opinyon, hindi upang magtalo. Sinabi niya na ito ay sinusuportahan na ng iba pang kilalang tao tulad nina Secretary Fortunato Guerrero, Atty. Eduardo Bringas, Senador Gringo Honasan, Michael Defensor, Bishop Abante, Prof. Froilan Cajilum, Baguio City Mayor Ben Magalong, at Senador Robin Padilla, na nag-file din ng petisyon sa Korte Suprema tungkol sa mga isyu sa anyo ng gobyerno.

Dagdag pa ni Belgica, ang bawat Pilipino ay maaaring makibahagi sa ConCon. Ngunit kung ito ay isasagawa sa pamamagitan ng Constituent Assembly o People’s Initiative, maaaring maging interes ng mga politiko para sa extension ng kanilang termino.

Payo ni Belgica sa mga nagbabayad ng tax declaration para sa kanilang pag-aari ng lupa na lumapit sa ARTA (Anti-Red Tape Authority) o mag-file ng written complaint kaugnay ng kanilang mga problema.

Iminungkahi ni Belgica ang paglikha ng isang People’s Commission, sa pamamagitan ng ConCon, upang habulin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Tungkol sa PHP9.6-bilyong Pasig City Hall complex, sinabi ni Belgica na ito ay overpriced. Binigyang-diin niya ang pagkakaiba ng presyo sa pagitan ng PHP200,000 per square meter at PHP10,000 per square meter.

Bilang isang anti-corruption advocate, tinitiyak ni Belgica na susuriin niya ang bill ng materials upang malaman kung ano ang mga mahal na materyales. Naniniwala siya sa katapatan at integridad ni Mayor Vico Sotto, ngunit nanawagan din siya na isaalang-alang ang mga opinyon ng iba.

“Pumili po tayo ng mabuting tao at bumoto tayo nang tama sa darating na eleksyon,” dagdag pa ni Belgica.

image