LUNGSOD QUEZON — Malugod na tinanggap ng buong Department of Education National Employees Union (DepEd NEU) noong Miyerkules ng gabi (Agosto 7) ang kumpirmasyon ng ad interim ang pagtatalaga kay DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara.
Inaprubahan ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) sa loob lamang ng limang minuto ang ad interim appointment ng bagong DepEd Chief noong Miyerkules.
Sa isang panayam, sinabi ni DepEd NEU National President Atty. Domingo Alidon na nagpapasalamat sila sa mabilis na kumpirmasyon ng ad interim appointment ni DepEd Secretary Angara.
“At least, mayroon na tayong bagong kumpirmadong DepEd Secretary,” sabi ni Atty. Alidon.
Dagdag pa niya, umaasa sila na lahat ng napagkasunduan noong Martes (Agosto 6) ay ipatutupad ng bagong kumpirmadong DepEd Secretary.
Nagkaroon ng pulong sina Angara at ang 62,000-strong DepEd NEU na pinamumunuan ni Atty. Alidon noong Martes kung saan tinalakay kung paano tutugunan ang mga isyu at alalahanin ng unyon, kabilang ang mga benepisyo sa ilalim ng Collective Negotiation Agreement (CNA).
“Malugod naming tinatanggap ang agarang kumpirmasyon. Bilang bahagi ng DepEd, lubos naming sinusuportahan si DepEd Secretary Sonny Angara,” ani Atty. Alidon.
“Kumbaga lalong nabigyan ng ngipin at kampante na kami at walang agam-agam na maipapatupad ang napagkasunduan,” sabi pa ni Alidon.
“Karapat-dapat siya dahil malaki ang kanyang ginagawa sa Ed Com 2. Maganda ang background niya, ang track record niya sa edukasyon at alam niya ang mga perennial na problema sa education sector,” dagdag pa niya.