image

QUEZON CITY — Noong Lunes August 12, 2024, nanawagan ang mga nagsusulong ng anti-smoking advocates para sa pagsusuri at pag-amyenda ng Vape Law, dalawang taon matapos itong maging batas. Ang panawagan ay kasabay sa pagdiriwang ng “International Youth Day” at “National Lung Month.”

Nais din nilang magkaroon ng mga paaralang walang sigarilyo kasunod ng unang pagkamatay na sanhi ng EVALI (e-cigarette or vaping product use-associated lung injury).

Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Cafe, sinabi ni Rizza Mae Duro, National Coordinator ng Philippine Smoke-Free Movement (PSFM), na kanilang ipinagdiwang ang ika-apat na anibersaryo ng PSFM noong nakaraang buwan. Ayon sa kanya, malayo pa ang kanilang tatahakin upang gawing smoke-free ang Pilipinas.

Ang PSFM ay nagsimula noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic, at mula noon ay patuloy silang lumalaban para sa kalusugan ng mga Pilipino. Ipinahayag ni Duro na ang vaping ay hindi mabuti sa kalusugan at sumusuporta sila sa pagpasa ng House Bill No. 5315 o ang “Smoke-Free Bill” na layong protektahan ang kabataan mula sa sigarilyo at vape.

Ang PSFM ay nagkakaisa sa kanilang kampanya laban sa paninigarilyo at vaping. Nanawagan sila sa DepEd na isama ang edukasyon sa tobacco control sa kurikulum ng mga paaralan, suriin ang RA 11900, ipasa ang RA 5315, at palakasin ng mga lokal na pamahalaan ang mga ordinansa laban sa vaping at paninigarilyo. Iminungkahi rin nila ang pagtaas ng edad para sa mga pinapayagang manigarilyo mula 18 patungong 21.

Si Bea Lareza, isang miyembro ng PSFM Youth, ay nagsabi na bilang isang youth advocate, siya ay tutol sa paninigarilyo at vaping. Inamin niya na nagsimulang mag-vape noong siya ay 16 taong gulang dahil sa pagiging madali nitong ma-access online at sa mga nakakaakit na amoy at lasa nito. Tumigil siya sa vaping matapos dumalo sa isang webinar at lalong nag-alab ang kanyang adbokasiya nang sumali siya sa PSFM.

Sa isang mensahe, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na “Sa ating mga paaralan, ito ay smoke-free at vape-free.”

Sinabi ni Maria Aurora “Au” Quilala, Deputy Executive Director ng Philippine Legislative Committee on Population Development (PLCPD), na ang kanilang komite ay sumusuporta sa pagdiriwang ng “International Youth Day” at “National Lung Month.”

Ayon kay Quilala, higit sa 25% ng populasyon sa Pilipinas na may edad 15-21, sila ang madaling maimpluwensyahan ng paninigarilyo at vaping. Ipinahayag niya ang suporta sa pagpasa ng House Bill No. 5315 at ang pagsusuri ng RA 11900 o ang “Vape Regulation Law.” Dagdag pa ni Quilala, kailangan palawakin ang distansya ng mga tindahan ng vape mula sa mga paaralan mula 100 metro patungong 600 metro.

Sinabi ni Dr. Donnabel Tubera-Panes, Epidemiology Head ng Baguio City, na patuloy na sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang adbokasiya para sa isang smoke-free at vape-free na lungsod. Ayon kay Dr. Panes, kailangan pang palakasin ang regulasyon ng vaping at ang pagbabawal sa pagbebenta nito online.

Patuloy na nagsisikap ang Baguio City upang mapanatili ang mga patakaran ng World Health Organization (WHO) sa kanilang lungsod at nangolekta na ng P12 milyon mula sa mga multa laban sa paninigarilyo at vaping.

image