Komisyon sa Wikang Filipino (Dr. Raquel S. Buban at Dr. Dolores R. Taylan, Gagawaran sa KWF Dangal ng Wikang Filipino 2024)
Gagawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Kampeon ng Wika 2024 ang limang natatanging indibidwal: sina Raymund M. Pasion, PhD; Nora J. Laguda, PhD; Almayrah A. Tiburon, Joel B. Lopez, PhD; at Cristina D. Macascas, PhD.
Raymund M. Pasion, PhD – Siya ang nanguna sa pagbubukas ng programang Batsilyer ng Edukasyong Sekundarya, medyor sa Filipino, sa Davao Oriental State University noong 2014. Nagsulat din siya ng mga artikulo at aklat tungkol sa paggamit ng wikang Filipino ng mga mag-aaral sa Lungsod ng Mati.
Nora J. Laguda, PhD – Bilang Tagamasid Panrehiyon ng DepEd sa Rehiyon V, napaunlad niya ang kasanayan sa Filipino ng mga guro at mag-aaral. Aktibo siya sa pagsusuri ng mga kagamitang pampagtuturo at pagkatuto, at sa pamamahala ng mga programa at pagsasanay para sa pagpapayaman ng Filipino.
Almayrah A. Tiburon, PhD – Kilala siya sa husay sa pagsusulat at natampok sa iba’t ibang publikasyon tulad ng Mustaqim Philippines at CNN Philippines. Isa siya sa mga “Siyam na Awtor na Nagsusulat sa Wikang Filipino,” at aktibong bahagi ng Mindanao Creative & Cultural Workers Group, Inc.
Joel B. Lopez, PhD – May malalaking kontribusyon si Dr. Lopez sa pagsusulong ng paggamit ng Filipino at Ilokano sa opisyal na korespondensiya ng DepEd. Isa siya sa mga nagtaguyod ng Ortograpiyang Pambansa at Ortograpiya ti Pagsasao nga Ilokano, at sa preserbasyon ng wikang Ilokano.
Cristina D. Macascas, PhD – Isang edukador mula sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, kilala siya sa kaniyang husay sa pagtuturo ng Filipino. Nagtatag siya ng mga paligsahang pampaaralan tulad ng WIKAsaysayan at Gamhanan, at tumulong sa pagsusuri ng mga modyul at aklat ng DepEd.
Ang Kampeon ng Wika ay parangal na iginagawad sa mga indibidwal at institusyong may natatanging ambag sa pagpapalaganap ng wikang Filipino at mga katutubong wika. Mula 2013, pinarangalan na ng KWF ang mga Kampeon ng Wika mula sa iba’t ibang larangan tulad ng midya, pelikula, panitikan, kultura, politika, musika, at akademya.
Nell B. Buenaventura, Itinanghal na KWF Mananaysay ng Taón 2024
Itinanghal si Nell B. Buenaventura na KWF Mananaysay ng Taón 2024 pára sa kaniyang sanaysay na “Pagpopoókang Nasyonal tungong Lokal hanggang Internasyonal: Pedagohiya’t Dihital na Humanidades sa Pagpapasigla ng Wika.” Makatatanggap siyá ng PHP30,000.00 at karangalang maging “Mananaysay ng Taón,” medalya, at plake.
Nagwagî din si Dr. David Michael M. San Juan ng ikalawang gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Sipat sa Sitwasyong Pangwika ng Bansa Bílang Lunsaran ng Pagbabalangkas ng Pambansang Planong Salubungan ng Estado-Sentrikong Polisiya at Babá-Taas na Adbokasiya Túngo sa Preserbasyon ng mga Wika sa Pilipinas.” Makatatanggap siyá ng PHP20,000.00 at plake.
Hinirang naman si G. Precioso M. Dahe Jr. sa ikatlong gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Ang mga Tertulyang Rehiyonal, Mga Kag-Lambaga hinggil sa Katutubong Wika: Ang Preserbasyon at Pagbuo ng Modernong Espasyo mula sa Guho ng Babel.” Makatatanggap siyá ng PHP15,000.00 at plake.
Ang Gawad KWF sa Sanaysay ay taunang gawad ng KWF para sa pinakamahusay na sanaysay hinggil sa mga pilî at napapanahong tema. Sa pamamagitan ng timpalak na ito, naitatanghal ang Filipino bílang wika ng saliksik.
Ang mga nagwagi ay gagawaran sa KWF Gabi ng Parangal sa 19 Agosto 2024.