image

Sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro noong Agosto 21 na ang reklamong isinampa laban sa kanya ay bahagi ng mas malawakang kampanyang politikal na ang tinatarget ay ang mga miyembro ng Mayors for Good Governance (M4GG).

Ayon kay Mayor Marcy, ang reklamo ay isang uri ng politikal na panggigipit. Binanggit niya na ang ibang mga miyembro ng M4GG, tulad nina Mayor Benjie Magalong ng Baguio, Mayor Jerry Treñas ng Iloilo, at Mayor Vico Sotto ng Pasig, ay nakaranas din ng katulad na mga isyu kamakailan.

Tinukoy ni Mayor Marcy ang kahina-hinalang timing ng pagsasampa ng kaso laban sa kanya sa Office of the Ombudsman, lalo na’t ito’y tumapat sa nalalapit na panahon ng paghahain ng kandidatura para sa eleksyon.

Nilinaw niya na ang pondo ng PhilHealth na tinutukoy sa reklamo—na ni-reimburse noong pandemya—ay buo at maayos na naitala, batay sa mga audit na isinagawa noong mga nakaraang taon.

“Ang reklamo laban sa akin ay walang basehan. Ang pondo ay accounted for at wala silang ebidensya ng anumang malversation o paglabag sa batas,” dagdag ni Mayor Marcy.

Nanawagan siya ng patas at walang kinikilingang imbestigasyon upang malaman ang katotohanan.

Samantala, mariing kinondena ng M4GG ang mga politikal na pag-atake laban sa kanilang mga miyembro bago ang 2025 na eleksyon.

“Buong suporta ang ibinibigay ng Mayors for Good Governance kina Mayor Marcy Teodoro, Mayor Vico Sotto, at Mayor Jerry Treñas,” ayon sa pahayag ng grupo.

Binibigyang-diin ng grupo na ang tatlong alkalde ay may napatunayang track record ng transparency at accountability sa kanilang pamamahala.

image

image

image

image