image

MANILA – Pormal na binuksan ng DOST-NCR noong Miyerkules ng hapon ang dalawang araw na 2024 Pamana Agham: Siyensiya sa Bawat Habi at Hibla sa makasaysayang Patio, Casa Manila, Plaza San Luis Complex, Intramuros Manila. Ito ay may temang: “Pagyamanin ang Agham at Siyensya sa Makabagong Teknolohiya,”

Layunin ng event na ito na kilalanin ang mga tradisyunal na kasanayan sa paggawa ng tela sa pamamagitan ng pag-promote ng kultura at pagsasama ng mga siyentipikong inobasyon.

Sa Sining Siyensiya, ginawaran ng People’s Choice Award, sertipiko ng pagkilala, at P5,000 ang Quezon City Jail Female Dormitory. Nakatanggap naman ng P7,000 at sertipiko ng pagkilala ang Las Piñas City Jail Management para sa ikatlong puwesto. P10,000 at sertipiko ng pagkilala ang natanggap ng Muntinlupa City Jail Male Dormitory bilang ikalawang puwesto. Samantalang ang Manila City Jail Male Dormitory ang nagwagi ng unang puwesto na may P15,000 at sertipiko ng pagkilala.

Ang mga nanalo ay kinatawan ng mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ang mga likhang sining ay nakadisplay para sa auction sa Casa Blanca, Intramuros, Manila. Bukas ang silent auction hanggang alas-5 ng hapon ng Agosto 29, 2024.

Ipinahayag ni Dr. Julius L. Leano, Jr., direktor ng DOST-PNRI, ang kanyang kagalakan at sinabing napakaswerte nila na makipag-partner sa DOST-NCR. Ang PNRI ang tanging ahensiya ng gobyerno na may mandato sa mga tela sa ilalim ng DOST.

Binanggit din na hindi lamang magandang damit ang isinusuot ng mga Pilipino, kundi mahusay na tela rin na ginagaya na ngayon ng iba. Ipinahayag ni Dr. Leano na ang agham, inobasyon, at teknolohiya ang magpapaunlad sa hinaharap.

Hinimok niya ang lahat na tangkilikin ang mga produktong tekstil ng Pilipino, tulad ng simpleng basahan, dahil malayo ang mararating nito.

Dumalo sa nasabing pagtitipon sina DOST Sec. Renato Solidum, Jr., Usec. Juancho Maborrang, at Department of Tourism (DOT) Sec. Cristina Garcia Frasco.

Ang mga likhang sining at pintura ay gawa ng mga persons deprived of liberty (PDLs). Binigyan sila ng BJMP ng pagkakataon na makilahok sa mga gawaing pangkabuhayan, tulad ng sining at pagpipinta, bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik sa mainstream na lipunan.

Nagkaroon din ng fashion show sa Casa Blanca na may temang “Ang Pamanang Habi (Science Beyond Borders)”.

Naunang lumagda ng Memorandum of Understanding (MOU) ang DOST-NCR at DOT upang magbigay ng solusyon at magbukas ng mga oportunidad sa industriya ng tela at turismo sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon.

image

image

image

image

Photo by: Jimmy Camba