image

AGRI Party-List Congressman Wilbert “Manoy” T. Lee, pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP)

Sa pagdiriwang ng ika-38 Philippine Coconut Week, binigyang-diin ni Cong. Wilbert “Manoy” T. Lee na upang maging nangungunang exporter ng niyog sa mundo, kailangang unahin ng gobyerno ang proteksyon ng mga magniniyog sa pamamagitan ng pagpapabilis ng paglabas ng coco levy funds at mga nararapat na benepisyong pangkalusugan.

Habang nasa Pangasinan para pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), muling nanawagan si Lee matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang karagdagang P1 bilyon para sa mass coconut planting at replanting program at P2.5 bilyon para sa fertilization program.

Noong Mayo 2023, naghain si Lee ng House Resolution (HR) No. 954 matapos matuklasan na 34% lamang ng kabuuang Coco Levy Fund ang nagamit noong 2022 para sa mga grant at subsidiya ng mga magniniyog. Noong Abril naman, naghain siya ng HR No. 1673 para imbestigahan ang pagkaantala ng implementasyon ng mga serbisyong pangkalusugan at medikal para sa mga magniniyog, ayon sa Republic Act (RA) No. 11524 o “Coconut Farmers and Industry Trust Fund (CFITF) Act.”

“Malinaw na paglabag sa batas na mahigit tatlong taon na mula nang maipasa ang CFITF Law ngunit hindi pa rin natatanggap ng mga magniniyog ang kanilang mga benepisyong pangkalusugan. Dapat lamang nating tiyakin ang maayos na implementasyon ng batas para protektahan sila,” ani Lee.

“Huwag nating paasahin ang mga magniniyog sa wala. Dumadaing na sila sa mababang presyo ng kopra at sa mga hamon ng El Niño at La Niña. Ibigay na ang nararapat na serbisyo para sa kanila!” dagdag niya.

Sa ilalim ng Philippine Coconut Industry Development Plan 2024-2034 (PCIDP 2024-2034), target ng Philippine Coconut Authority (PCA) na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog hanggang 2028, na may halagang P33.1 bilyon pagsapit ng 2034.

“Sa pagpapaunlad ng ating mga magniniyog, uunlad ang industriya ng niyog, at maaabot natin ang layuning maging top exporter sa mundo. Magdudulot ito ng mga bagong oportunidad, magpapalago ng ekonomiya, at magbibigay ng mas malawak na serbisyo para sa taumbayan. Panalo ang sambayanang Pilipino,” pahayag ni Lee.

“Dagdag na suporta at proteksyon sa mga magniniyog, gawin na natin!” dagdag pa niya.

image

image