image

MARIKINA CITY— Upang hikayatin ang mas aktibong pamumuhay at bawasan ang carbon emissions sa lungsod, binuksan ng lokal na pamahalaan ng Marikina at ng Department of Transportation (DOTr) ang isang end-of-trip facility para sa mga siklista noong Huwebes, Agosto 29, 2024.

Pinangunahan ni Transportation Secretary Jaime Bautista, Assistant Secretary James Andres Melad, Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, at First District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang seremonya ng pagbubukas at unveiling ng marker ng bagong pasilidad sa Marikina Central Parking Area (MCPA).

Ayon kay Bautista, ang pasilidad ay may 35 bike racks na kayang tumanggap ng hanggang 70 bisikleta. Mayroon din itong kumpletong comfort rooms at isang lugar para sa pagkukumpuni ng bisikleta.

“Ito ay para sa mga nagbibisikletang empleyado ng Marikina City at mga residente na may transaksyon sa City Hall. Hindi na nila kailangan magdala ng kotse; magbibisikleta na lang sila at iiwanan ang kanilang bisikleta sa end-of-trip facility,” paliwanag ni Bautista.

Binanggit ni Mayor Teodoro ang kahalagahan ng paggamit ng bisikleta bilang transportasyon upang mabawasan ang carbon emissions at bilang bahagi ng isang aktibong pamumuhay.

“Ito ay bahagi ng ating transport modality system. Pwede silang gumamit ng bisikleta bilang active transport system na walang carbon emissions at hindi gumagamit ng makina,” sabi ng alkalde.

“Mainam ito hindi lamang para sa kalusugan, kundi pati na rin sa kapaligiran,” dagdag niya.

Sinabi ni Teodoro na makikinabang dito ang mga empleyado ng city government na gumagamit ng bisikleta papunta at pauwi sa kanilang trabaho. “Ito ay para sa mga City Hall employees na araw-araw na nagbibisikleta,” ani Teodoro.

“Nasa Central Parking Area ito, kaya ang mga manggagaling sa malalayong lugar ay pwedeng magparada ng kanilang bisikleta dito, magpalit ng damit, at sumakay sa public transport,” dagdag niya.

Bukod sa bagong pasilidad, nagkaroon din ng groundbreaking ang Marikina LGU at DOTr para sa isang walong kilometrong bike lane na ikokonekta sa kasalukuyang bike lanes ng lungsod.

“Ang Marikina ay matagal nang may mga bike lanes, pero nadagdagan pa ito sa tulong ni Mayor Marcy, kaya’t mayroon na rin tayong end-of-trip facilities,” ani Bautista.

Dagdag ni Mayor Teodoro, ang mga bike lanes sa Marikina ay nagsimula noong 1995 at patuloy na pinalalawak para maging konektado ang iba’t ibang bahagi ng lungsod.

image