image

LUNGSOD NG PASIG – Ayon kay Secretary Romulo “Leo” V. Arugay, Chairperson ng Commission on Filipinos Overseas (CFO), mas pinalalapit ng gobyerno ang mga programa nito sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Si Arugay ay itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Enero 13, 2023. Kahit naninirahan na siya sa New Zealand, may malalim siyang kaalaman sa Oceania at sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Tubong Talavera, Nueva Ecija si Arugay, at nagtapos ng high school sa Tuguegarao City.

Sa ginanap na “Kapihan sa Metro East Media Forum,” sinabi ni Arugay na itinatag ang CFO noong 1980 sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 89 sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Layunin ng CFO na protektahan ang karapatan ng mga Pilipino sa ibang bansa at patibayin ang ugnayan nila sa kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Ayon kay Arugay, ang CFO ang tumutulong sa mga Pilipino sa kanilang mga problema abroad, lalo na sa mga “dual citizens” na gustong muling makuha ang kanilang karapatan bilang Pilipino. Pinaliwanag niya na ang CFO ay para sa mga “permanent migrants,” samantalang ang DMW, OWWA, at POEA ay para sa mga OFWs.

Dagdag pa ni Arugay, mas marami ang permanent migrants kaysa OFWs. Mayroong higit sa 10.2 milyong Pilipinong migrante, kung saan 47% ay permanent migrants, at 42% ay temporary migrants. Isa rin sa mga pangunahing adbokasiya ng CFO ay ang paglaban sa human trafficking sa pamamagitan ng kanilang 1343 hotline.

Tumutulong din ang CFO sa mga estudyanteng Pilipino sa ibang bansa upang maiwasan ang cultural shock. Sinusuportahan nila ang 27,000 estudyante sa 31 accredited schools abroad.

Nilinaw ni Arugay na ang “brain drain” ay desisyon ng bawat indibidwal. Aniya, likas sa mga Pilipino ang “diaspora instinct.” Mayroon ding mga batas laban sa diskriminasyon sa ibang bansa, at handang tumulong ang mga embahada ng Pilipinas sa mga biktima nito.

Plano ng CFO na magbukas ng extension offices sa Baguio, Cagayan de Oro, Legaspi at Tuguegarao upang maserbisyuhan ang mga rehiyon na may mataas na bilang ng migrasyon. Nagpapadala ang mga permanent migrants ng P30 bilyon na remittances bawat taon, at tinutulungan ng CFO ang mga ito sa tamang pamamahala ng pera.

Sa kabuuan, patuloy na isinusulong ng CFO ang digitalization ng kanilang mga serbisyo upang gawing mas mabilis at madali ang mga transaksyon para sa mga Pilipino sa ibang bansa.