MANILA – Pormal na nanumpa si AGRI Party-List Representative Wilbert “Manoy” Lee bilang miyembro ng Aksyon Demokratiko noong Biyernes, Setyembre 20, 2024. Pinanumpa siya ni Isko Moreno, Pangulo ng Aksyon Demokratiko at dating alkalde ng Maynila, sa Sheraton Manila Bay Hotel.
Ayon kay Moreno, malaki ang posibilidad na si Dr. Willie Ong ay tumakbo rin bilang senador sa ilalim ng partido, kasama si Rep. Lee sa darating na 2025 halalan. Umaasa si Moreno na parehong mahahalal sina Lee at Ong bilang bahagi ng 12 senador na mananalo sa eleksyon.
Nabanggit na itinatag ang Aksyon Demokratiko ng dating senador mula Bicol na si Raul Roco. Inaasahan na tatakbo si Lee bilang senador sa midterm elections sa Mayo 2025.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Rep. Lee na kung siya’y magwawagi, tututukan niya ang pagkakaroon ng sapat na pagkain sa bawat tahanan, maayos na pabahay, at abot-kayang edukasyon para sa lahat ng Pilipino.
Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya, naghain si Rep. Lee ng House Resolution No. 2015 na naglalayong hikayatin ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magdagdag ng mga benepisyo. Hiniling niya na ang mga pagpupulong ng Benepisyo Committee (BenCom) ng PhilHealth, na pinamumunuan ng Department of Health (DOH), ay ipalabas nang live upang magkaroon ng akses ang publiko.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pagtaas ng hemodialysis package mula P4,000 hanggang P6,350 kada session, ayon sa DOH at BenCom na pinamunuan ni Secretary Ted Herbosa.
Sa isang budget hearing noong Setyembre 4, binalaan ni Lee na maaaring ipagpaliban ang budget ng DOH kung hindi agad matutugunan ang isyu ng benepisyo bago ang deliberasyon sa plenaryo ng Kamara.
Noong Pebrero 14, matagumpay na naipatupad ni Lee ang 30% pagtaas ng benepisyo sa PhilHealth. Ngayon, isinusulong niya ang karagdagang 50% na pagtaas, at kung kakayanin ng pondo, posibleng bawasan din ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro.