image

Ngayong tag-ulan, puspusang naghahanda ang Metro Manila Council (MMC) para sa mga epekto ng bagyo, kabilang ang pagbaha, pagkaka-stranded ng mga tao, at pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit.

Bilang tugon, lahat ng local government units (LGUs) sa Metro Manila ay pumayag sa isang resolusyon mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na maglunsad ng information and education campaign para magbigay ng kaalaman tungkol sa sakit na leptospirosis. Ang sakit na ito ay nakukuha mula sa ihi ng daga na humahalo sa baha.

Kasama sa MMDA Regulation No. 24-003 (series of 2024) ang pagbabawal sa pagligo o paglubog sa baha upang maiwasan ang sakit. May kaukulang parusa at multa para sa mga lalabag.

Ayon kay MMC President Mayor Francis Zamora, may ordinansa na rin sa San Juan na nagbabawal sa mga aktibidad sa labas kapag umuulan. Dagdag pa niya, hindi dapat balewalain ang leptospirosis dahil ito ay nakamamatay. Mahigpit na ipinag-uutos sa lahat ng LGU na ipatupad ang mga patakaran at pigilan ang mga tao sa paglusong sa baha, lalo na kung may sugat.

Ayon sa Department of Health (DOH), mayroon nang 255 kaso ng leptospirosis, at patuloy pa itong tumataas dahil sa patuloy na pag-uulan. (Louis Tanes)