PASIG CITY – Ipinahayag ni Engr. Nassif Malawani, pangulo ng Metro Manila Muslim Traders Association at Greenhills Muslim Business Club Foundation, na handa ang mga Muslim na negosyante sa Greenhills, San Juan City na mag-alok ng de-kalidad at murang produkto, lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Sa forum na “Kapihan sa Metro East,” sinabi ni Malawani na matagal nang sentro ng negosyo ng mga Muslim ang Greenhills Shopping Center (ngayon ay GH Mall). Ayon sa kanya, nagsimula ang pag-usbong ng negosyo ng mga Muslim sa lugar mahigit 20 taon na ang nakalipas, karamihan sa mga negosyante ay mula sa Mindanao, Jolo, Maguindanao, at mga lalawigan ng Lanao.
Malaki ang naging ambag ng mga Muslim na negosyante sa pag-unlad ng ekonomiya ng San Juan City, lalo na noong nasa politika ang pamilyang Estrada.
Nang tumama ang pandemya ng COVID-19, apektado rin ang kanilang negosyo, ngunit ngayon ay unti-unti nang bumabangon ang mga ito.
Sinabi rin ni Malawani na mahigpit nilang ipinagbabawal ang pamimirata o pagbebenta ng mga pekeng produkto. Ipinaalala niya na ang Greenhills Shopping Center ay itinuturing na isang “tourist spot,” kaya’t mahigpit ang kanilang pagsunod sa batas laban sa pamimirata, lalo na sa IT products at alahas.
Mayroon ding magandang ugnayan ang mga Muslim na negosyante at ang pamahalaang lungsod ng San Juan. Ayon kay Malawani, tama ang pagbabayad nila ng buwis, at mabilis ang proseso ng kanilang mga business permit.
Bagama’t may posibilidad ng pagkalat ng pekeng mga cellphone, tiniyak ni Malawani na hindi kasali ang kanilang grupo sa anumang ilegal na aktibidad. Ipinahayag din niya ang pasasalamat sa Ortigas & Company sa malaking diskwento sa renta ng puwesto na ibinigay sa kanila noong kasagsagan ng pandemya.
Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy ang pagbebenta ng mga lokal na produkto ng mga Muslim na negosyante. Umaasa rin sila na bababa ang kasalukuyang P50,000 renta kada buwan sa Greenhills.
Tiniyak ni Malawani na hindi sila nagtataas ng presyo ng mga produkto tulad ng cellphone, alahas, at iba pang paninda tuwing Pasko. Pinuri rin niya si San Juan City Mayor Francis Zamora sa pagsusulong ng “Big Sale” sa GH Mall.
Nabanggit din ni Malawani na nakatanggap sila ng pagsasanay mula sa DICT (Department of Information and Communications Technology) upang mapabuti ang kanilang kaalaman sa teknolohiya.
Sa huli, nanawagan si Malawani kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad na ang Marawi Compensation Board upang matulungan ang mga biktima ng Marawi Siege. Hinikayat din niya ang mga Pilipino na patuloy na tangkilikin ang mga produkto sa GH Mall, na garantisadong de-kalidad at abot-kaya partikular ngayong nalalapit na ang kapaskuhan.