Pasig City— Si Sarah Discaya, kilala ng mga Pasigueño bilang “Ate Sarah” at asawa ng negosyanteng si Curlee Discaya, ay opisyal nang inanunsyo ang kanyang pagtakbo bilang mayor ng Pasig City. Sa isang ambush interview sa isang medical mission sa Barangay San Miguel, ibinahagi ni Ate Sarah na handa na siyang sundin ang panawagan ng mga Pasigueño.
“Matagal ko nang iniiwasan ang tanong na ito, pero dahil papalapit na ang filing at maraming nag-e-encourage sa amin na tumakbo, sa tingin ko, ito na ang tamang oras para sabihin na, oo, tatakbo kami,” ani Ate Sarah.
Ang filing ng certificate of candidacy para sa halalan sa Mayo 12, 2025 ay magaganap mula Oktubre 1-8, 2024.
Nang tanungin kung bakit siya tatakbo kahit na sapat na ang kanilang kita mula sa negosyo, sagot ni Ate Sarah, “Oo, may negosyo kami, pero pakiramdam namin, may mas magagawa pa kami—ang makatulong sa iba.”
Si Sarah Discaya ay Chief Financial Officer ng St. Gerrard Construction and Development Corporation (SGC), isa sa 41 “4A” construction companies sa Pilipinas. Binigyang-diin niya na hindi nila hangad na bawiin ang ginastos sa kampanya. “Hindi na namin kailangan ng anuman pa. Sobra kaming pinagpala at maraming proyekto sa labas ng Pasig.”
Simula Setyembre 2023, ang SGC Charity Foundation ay nagbibigay ng humigit-kumulang P1 milyon bawat buwan bilang tulong pinansyal sa mga nangangailangan, bukod pa sa regular na mga medical mission.
“Para sa mga nagdududa, hindi kailangang mangurakot para makapaglingkod sa bayan,” dagdag ni Ate Sarah.
Ang SGC Charity Foundation ay patuloy na nagbibigay ng tulong sa 30 barangay sa Pasig, kung saan ang ilan ay humihiling na ng ikalawang medical mission.
“Ang aming serbisyo ay totoo para sa mga Pasigueño. Marami pa kaming nakikitang pangangailangan, at sa ngayon, tinutugunan namin ito sa pamamagitan ng aming mga medical mission,” pagtatapos ni Ate Sarah.
Siya ay asawa ni Curlee Discaya, Presidente at CEO ng SGC Construction and Development Corporation.