QUEZON CITY — Isiniwalat ni Dr. John J. Chiong, nagtatag at pangulo ng Task Force Kasanag International (TFKI), ang umano’y anomalya sa PHP8-bilyong proyektong Panguil Bay Bridge sa Mindanao noong Lunes (Setyembre 30).
Sa isang press conference sa isang Restaurant sa Quezon Memorial Circle, sinabi ni Dr. Chiong na nagsimula ang proyekto ng tulay na may budget na PHP4.9 bilyon—PHP4.2 bilyon mula sa isang loan agreement at PHP586 milyon mula sa pambansang budget ng Pilipinas.
Noong Setyembre 28, 2024, pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang PHP8.03-bilyong Panguil Bay Bridge, na pinaikli ang oras ng biyahe sa pagitan ng mga probinsya ng Misamis Occidental at Lanao del Norte mula sa halos dalawang oras tungo sa pitong minuto na lang.
Ngunit ayon kay Dr. Chiong, sa araw ng pasinaya ay lumobo na ang halaga ng proyekto sa PHP8.03 bilyon. “Saan manggagaling ang karagdagang pondo?” tanong niya.
Binigyang-diin din ni Chiong na isang pansamantalang kalsada na nagkakahalaga ng ngunit nakolekta ito sa isang umano’y anomalya sa ilalim ng sistemang tinawag na “savings,” na diumano’y hahatiin sa pagitan ng kontraktor at mga opisyal ng DPWH.
Ayon pa kay Dr. Chiong, sa bidding process, binigyang-diin ang pangangalaga sa kalikasan bilang isa sa mga dahilan ng malaking gastos ng proyekto, ngunit sa aktwal na konstruksyon ay hindi naman ito isinagawa. Sa kabila nito, kinolekta pa rin umano ito bilang “accomplishments.”
Ibinunyag din niya na ang lugar ng palaisdaan, na dapat sana’y hinukay at pinalitan ng tamang materyales, ay hindi ginawa upang makatipid sa gastos, pero ipinakita ito bilang natapos na gawain at ginamit pa para patagalin ang gastos ng proyekto.
Ayon kay Chiong, ang pagtaas ng gastusin ay naganap nang walang pampublikong bidding o pagbubunyag sa publiko. “Malinaw na may malaking kakulangan sa pondo na hindi maipaliwanag,” aniya.
Sa kabila ng mga hiling ng TFKI para sa mga dokumento ng proyekto, tumanggi ang DPWH at Malacañang na magbigay ng mga detalye. “Bakit itinatago ang mahahalagang impormasyon na ito?” tanong ni Chiong.
Dagdag pa niya, tila ginagawang personal na pera ng ilang matataas na opisyal ang buwis ng mga Pilipino.
Hawak at ipinakita ni Dr. John J. Chiong nagtatag at pangulo ng Task Force Kasanag International (TFKI), ang mga dokumentong nagpapatunay sa inihain niyang kaso sa Ombudsman isang taon na ang nakakaraan laban sa ilang opisyal ng DPWH na miyembro ng Negotiating Team at Special Task Force for the Construction of Panguil Bay Bridge, kasama ang ilang indibidwal at pribadong kumpanya, na nakipagsabwatan sa pagsasagawa ng mga iligal at hindi wastong gawain kaugnay ng proyektong Tulay ng Panguil Bay. (Photo by: Jimmy Camba)