ANTIPOLO CITY – Ipinahayag ni Senador Maria Imelda Josefa Remedios “Imee” Marcos noong Miyerkules (Okt. 2) na isinusulong niya ang mga pagbabago sa Cooperatives Development Act upang higit pang mapalakas ang mga multi-bilyong pisong kooperatiba sa buong bansa.
Sa pagdiriwang ng ika-19 na Southern Tagalog Cooperative Congress na ginanap sa Ynares Event Center dito sa Antipolo, dumalo si Sen. Marcos at mainit siyang tinanggap nina Vice Gov. Reynaldo San Juan, kasama sina Rizal Gov. Nina Ynares at dating gobernador, na ngayo’y Antipolo City Mayor Junjun Ynares.
Sa isang press conference, sinabi ni Sen. Marcos na isa sa mga suhestiyon niyang pagbabago ay ang pagtaas ng tax exemption ng mga kooperatiba mula P10 milyon patungong P100 milyon. Dagdag pa niya, dapat ding payagan ang mga dayuhang kooperatiba na makipag-ugnayan sa mga kooperatiba sa Pilipinas upang higit na mapabuti at maging mas dinamiko ang sektor.
Binanggit din ni Sen. Marcos na dapat magkaroon ng mga regional cooperative, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa. Ipinagmamalaki rin niya na ang mga kooperatiba sa lalawigan ng Rizal ay kabilang sa mga multi-bilyong pisong kooperatiba sa bansa.
Ibinahagi rin ni Marcos na ang kanyang kapatid, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay sumusuporta sa mga panukalang amyenda sa Cooperatives Development Act. Bago dumalo sa nasabing pagdiriwang, naghain na si Sen. Marcos ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) para sa pagka-senador sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Cooperatives, naniniwala si Sen. Marcos na panahon na upang palakasin ang Cooperatives Development Act sa pamamagitan ng mga inirerekomendang pagbabago.
Sa temang: “Kooperatibang Matatag at Malakas, Pundasyon sa Bagong Pilipinas,” ipinagdiriwang tuwing Oktubre ang Cooperative Month. Samantala, ang Cooperative Congress ay karaniwang ginaganap tuwing Marso bago pa man tumama ang Covid-19 noong Marso 15, 2020 hanggang Disyembre 2022.
Paalala ni Sen. Marcos, hindi na kasama sa Southern Tagalog Region ang limang probinsya ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), at ang mga probinsya na lamang ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang bumubuo nito.