Opisyal nang umupo si Maj. Gen. Sidney Hernia bilang bagong pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isang seremonya na ginanap noong Miyerkules, Oktubre 9, 2024, sa Camp Bagong Diwa, Lungsod ng Taguig. Pinalitan niya si Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na ngayon ay itinalaga bilang acting deputy chief for administration—ang pangalawa sa pinakamataas na posisyon sa buong Philippine National Police (PNP).
Pinangunahan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang seremonya ng pagpapalit ng tungkulin. Sa Hinirang Hall ng NCRPO, iniabot ni Maj. Gen. Nartatez kay Maj. Gen. Hernia ang pamumuno ng NCRPO.
Matatandaang si Nartatez ay nagsilbing NCRPO Regional Director mula Hunyo 27, 2023. Sa kanyang panunungkulan, matagumpay na naipakulong at naparusahan ang 1,139 na tauhan ng pulisya, kung saan 458 ang na-dismiss bilang bahagi ng kampanya laban sa korapsyon. Nakapaglunsad din ang NCRPO ng 1,431 training sessions, nakapag-invest ng PHP98.86 milyon sa imprastruktura, at namahagi ng PHP1.3 bilyon para sa kapakanan ng mga tauhan.
Isa sa mga pangunahing adbokasiya ni Nartatez ay ang kapakanan ng mga tauhan, kung saan kinilala niya ang 277 na miyembro sa ilalim ng programang “Salamat Kapatid.” Bukod pa rito, nagpatupad ang NCRPO ng mga makabagong teknolohiya gaya ng advanced analytics at CCTV upang mapalakas ang seguridad sa mga kritikal na imprastruktura.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ginawang sentro ang NCR ng mga malalaking kaganapan. Kabilang dito ang matagumpay na pinakamaikling Traslacion na tumagal lamang ng halos tatlong oras sa kabila ng 6.2 milyong deboto. Nakapaglunsad din ang NCRPO ng 11,257 operasyon laban sa ilegal na sugal at 7,340 outreach programs. Umabot sa 71.32% ang crime solution efficiency at mahigit 16,000 indibidwal ang naaresto mula sa 2,722 operasyon.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Maj. Gen. Hernia ang kanyang pasasalamat kay Gen. Marbil para sa pagtitiwala sa kanya bilang acting NCRPO Regional Director. Ipinangako niya na ipagpapatuloy ang mga nasimulang programa ni Nartatez upang higit pang gawing ligtas ang Metro Manila.
Pinuri naman ni Gen. Marbil si Nartatez para sa kanyang natatanging serbisyo sa NCRPO at iginawad sa kanya ang Medalya ng Kagitingan sa Paglilingkod bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa. Aniya, ang NCRPO ay sumasalamin sa buong PNP, at ipinangako niyang patuloy na susuportahan ng pamunuan ang mga hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko, ayon sa kanyang pahayag na, “Nais ng pulis na ligtas ka.”