MANDALUYONG CITY — Pormal na binuksan ang ika-26 na Likha ng Central Luzon Trade Fair sa SM Megamall Megatrade Hall 2 noong Miyerkules, Oktubre 16, at magtatagal ito ng limang araw mula Oktubre 16 hanggang 20.
Ang trade fair ay may temang “Sustainable and Innovative Products, Proudly Tatak Pinoy!” at ito ay isang proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) katuwang ang SM Megatrade Hall, PhilExports, CLGCFI, at Regional Development Council-3. Sa loob ng limang araw, maraming aktibidad ang magaganap sa trade fair.
May mga nakatalagang safety officers mula Oktubre 16 hanggang Oktubre 20 upang masiguro ang kaligtasan ng mga bisita. Ang Tarlac Agricultural University Performing Guild Chorale ay naghandog ng mga Tagalog na kanta, kabilang ang “Ama Namin” at “Bagong Pilipino, Bagong Pilipinas,” sa pagbubukas ng event.
Dumalo sa pagdiriwang ang House Committee on Trade Industry Chair Mario Vittorio Marino, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan (LGUs) mula sa Bulacan, Zambales, Nueva Ecija, at Metro Manila. Kabilang din dito sina San Narciso, Zambales Mayor Lorraine Sarmiento, Tarlac Governor Susan Yap, at iba pang mga opisyal mula sa DTI, DAR, DOST, at DSWD ng Region 3.
Binati ni DTI-3 Regional Director Edna P. Dizon ang 160 exhibitors mula sa pitong probinsya ng Central Luzon: Bulacan, Pampanga, Aurora, Zambales, Nueva Ecija, Tarlac, at Bataan. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Dizon, “Sa ngalan ni Sec. Cristina Roque, malugod namin kayong tinatanggap sa ika-26 Likha ng Central Luzon Trade Fair.” Dagdag pa niya, layunin ng DTI na itaguyod ang pagiging malikhain at inobatibo ng mga produkto sa mga susunod na taon, at inaasahan nila ang mas mataas na kita ngayong taon.
Ipinahayag ni PhilExports President Philip Lepato ang kanilang suporta sa pag-unlad ng mga MSMEs sa rehiyon, lalo na sa Tarlac at Bulacan, na kabilang sa 27 kumpanya na nag-e-export ng mga produkto mula Central Luzon.
Nagpasalamat naman si Gov. Susan Yap sa mga MSMEs at sa lahat ng tumulong sa pagtataguyod ng trade fair. Ayon sa kanya, maraming produkto ang handang ibenta ng mga exhibitors para sa darating na Kapaskuhan.
Samantala, sinabi ni Leonides “Loloy” Reyes mula Houston, Texas, na nais niyang dalhin ang mas maraming produktong Pilipino sa Amerika. Ipinunto rin ni Houston Council Member Edward Pollard na maaaring mag-export ng mga produktong Pilipino sa pamamagitan ng Subic Freeport at Clark International Airport.
Bagama’t hindi nakadalo si Bulacan Governor Daniel Fernando dahil sa relief operation sa Hagonoy, nagpadala siya ng kinatawan na naghatid ng kanyang mensahe ng suporta. Ipinagmamalaki niya ang mga produkto ng MSMEs sa Bulacan, lalo na ang programang One Town One Product.
Noong nakaraang taon, kabilang sa mga nangungunang nagbebenta sa trade fair ang Bulacan Joyful Garden Organic Farm, Inc. na may PHP5 milyon na kita, Tarlac na may PHP10 milyon, at Bataan na may PHP23 milyon na kabuuang benta. (Photo by: JIMMY CAMBA)