image

San Juan City — Muling sasabak sa politika si dating Senador Gregorio “Gringo” Honasan sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025, sa ilalim ng Reform Party (RP). Ayon kay Honasan, nais niyang ipagpatuloy ang mga “naiwang gawain” sa senado para sa kapakanan ng bayan. Ginawa niya ang pahayag na ito sa “The Agenda” Media Forum na ginanap sa Club Filipino nitong Oktubre 25.

Bilang isa sa pangunahing tauhan sa EDSA People Power Revolution noong 1986, kung saan naibalik ang demokrasya sa bansa, nanawagan si Honasan sa mga Pilipino na muling magkaisa. Ayon sa kanya, “Tayo’y magkaisa bilang isang bayan sa ilalim ng isang watawat at isang Diyos.”

Ipinahayag ni Honasan na mahalaga ang pagpasa ng mga batas na nagpoprotekta sa buhay, kalayaan, at ari-arian ng mga Pilipino. diin ni Honasan ang pangunahing pangangailangan ng mga  Pilipino ay pagkain, pananamit, tirahan, edukasyon, teknolohiya, at impormasyon na dapat maipagkaloob nang maayos sa bawat mamamayan.

Nagsilbi si Honasan bilang Kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) mula 2019 hanggang 2021. Sa kanyang termino, binigyang-diin niya ang pagpapalakas ng komunikasyon at teknolohiya sa bansa, lalo na sa mga liblib na lugar.

Sa usapin ng food security, sinabi ni Honasan na hindi lamang ito tungkol sa bigas at gulay. Binigyang-diin niyang dapat solusyunan ang mga pangunahing isyu ng mga magsasaka, tulad ng farm-to-market roads, upang mas mapalakas ang sektor ng agrikultura.

Pagdating sa land use policy, binanggit niya ang kahalagahan ng wastong pagplano sa paggamit ng lupa at tubig. Ayon sa kanya, “Kapag umuulan at bumabaha, kailangan nating makahanap ng paraan upang maipon at magamit ang tubig na ito sa tamang paraan.”

Naniniwala si Honasan na ang polisiya sa kapayapaan ay dapat pangmatagalan at may malinaw na direksyon para sa bansa. Maraming mga bumalik-loob sa pamahalaan ang muling napasok sa maling landas dahil hindi natutugunan ang kanilang mga pangangailangan. Dahil dito, hinihikayat niya ang pagkakaroon ng malinaw at maayos na patakaran para sa kapayapaan at kaunlaran ng bansa.

Nagbigay din ng mensahe si Honasan para sa mga kabataan: “Matuto mula sa aming mga pagkakamali, gamitin ang teknolohiya nang tama, at pamahalaan ang oras nang wasto.” Hinimok niya ang kabataan na aktibong makilahok sa pagbuo ng isang matatag na bayan.

Sa aspeto ng teknolohiya, ipinaalala ni Honasan ang kahalagahan ng tamang pagpaparehistro ng mga botante at ang papel ng social media at AI sa eleksyon. Ayon sa kanya, dapat maunawaan ng kabataan ang kahalagahan ng eleksyon sapagkat dito nakasalalay ang kanilang kinabukasan.

Nais din ni Honasan na gawing mas episyente ang teknolohiya at digitalisasyon, lalo na sa pagbawas ng panganib sa sakuna, bilang pagtugon sa diwa ng DRRMC Law.

Sa pagtatapos, nanawagan si Honasan sa mga sundalo, pari, at media na pangunahan ang pagpapanatili ng tunay na serbisyo-publiko sa darating na halalan. “Magdasal at magtrabaho tayo nang mabuti. Isa tayong bansa, isang sambayanan, sa ilalim ng iisang Diyos,” pagtatapos ni Honasan.

image

image

image