Lungsod ng Mandaluyong – Ipinahayag ng mga nominado ng Pinoy Ako Party-List ang kanilang mga plano at mungkahi para sa mga panukalang batas sakaling manalo sila sa 2025 election.
Sa isang press conference na ginanap noong Oktubre 28 sa Wack-Wack Golf & Country Club, tinalakay ng mga kinatawan ng Pinoy Ako Party-List na sina Danny Castillo, Atty. Krista Gadionco, Atty. Apollo Emas, at ang ikatlong nominado ng party-list na si Atty. Gil A. Valera, ang mga pangunahing isyu at pangangailangan ng 100 pangunahing tribo ng mga Katutubong Pilipino sa bansa.
Inilahad ni Atty. Valera, na may dugong Itneg mula sa Abra, ang kanyang hangarin na itaguyod ang mga karapatan ng mga Katutubo. Ayon sa kanya, bagama’t likas na Katutubong Pilipino ang karamihan sa Cordillera, marami sa kanila ang nakararanas ng diskriminasyon dahil sa kakulangan ng edukasyon. Dagdag pa niya, ang ilan sa mga Katutubo ay napipilitang ibenta ang kanilang mga karapatan dahil sa hirap ng buhay.
Nais ng Pinoy Ako Party-List na maglaan ng PHP600 milyon mula sa mga proyekto sa Clark, Pampanga, upang makatulong sa mga Katutubo sa kanilang ancestral domain na may lawak na 6,800 ektarya. Sila rin ay nagsasagawa ng mga medical mission sa malalayong komunidad ng mga Katutubo sa Mindanao at Buscalan upang tugunan ang kanilang pangangailangan sa kalusugan.
Iminungkahi ni Valera ang pag-amyenda sa Indigenous Peoples Reform Act (IPRA) Law na ipinatupad noong 1997. Naniniwala siya na may mga bahagi ng batas na ito na kailangang i-update. Kasama sa kanilang panukala ang pagtaas ng badyet ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa PHP5 bilyon upang mas matulungan ang mga Katutubo sa kanilang mga pangangailangan, lalo na sa mga liblib na lugar.
Plano rin ng Pinoy Ako Party-List na magtatag ng isang bangko para sa mga Katutubong Pilipino na may paunang pondo na PHP5 bilyon, katulad ng Landbank at Development Bank of the Philippines. Bukod dito, nais din nilang magtayo ng Unibersidad ng Katutubong Pilipino upang mabigyan ng mas mataas na edukasyon ang mga kabataang Katutubo.
Suportado rin ni Valera ang responsableng pagmimina, ngunit binigyang-diin niya na dapat itong maisagawa nang hindi nasisira ang kalikasan. Nanawagan siya sa malalaking kompanya ng pagmimina na magbigay ng hindi bababa sa 15 porsyento ng kanilang kita para sa mga Katutubo, sa halip na Nais niyang siguruhin na magagamit ng mga Katutubo ang kanilang mga likas-yaman at makikinabang sila nang husto sa mga ito.
Patuloy na isinasagawa ng Pinoy Ako ang kanilang mga medical mission sa malalayong komunidad ng mga Katutubo. Ibinahagi ni Gadionco na sa kanilang pagbisita sa Buscalan, tatlong tao ang nasa malubhang kalagayan ng heart failure at isang bata ang may hernia na nangangailangan ng agarang gamutan. Nais din nilang ipagpatuloy ang “Doctors to the Barrio” program ng yumaong Sen. Juan Flavier.
Hinikayat ni Valera ang mga botante na maging mapanuri sa pagpili ng mga kandidato at huwag basta umasa sa mga pangako. Nanawagan siya sa mga Pilipino na magbantay laban sa korapsyon at tiyaking may konkretong aksyon ang mga napiling lider.
Ayon kay Valera, “Lahat tayo Pinoy, at ang Pinoy Ako Party-List ay para sa lahat ng Pinoy, lalo na ang mga Katutubo. Handa kaming itaguyod ang kanilang karapatan at kapakanan.”