image

Marikina — Ang lokal na pamahalaan ng Marikina ay nag-aalok ng libreng cremation para sa mga labi na nahukay mula sa Barangka Public Cemetery na umano’y hindi wastong pinangasiwaan ng mga tauhan ng sementeryo.

Ayon kay Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, kasalukuyang hinahanap at kinokontak ng lokal na pamahalaan ang mga pamilya ng mga apektadong labi na nahukay sa Barangka Public Cemetery. Batay sa paunang ulat ng City Health Office (CHO), may 65 labi na ang natagpuan, at inilalagay ang mga ito sa isang pansamantalang lugar habang patuloy ang pagsisiyasat.

“Kinokontak natin ngayon ang mga pamilya na may mga labi na natagpuan nitong nakaraang araw,” pahayag ni Mayor Marcy. Inaalok ng pamahalaang lokal ang libreng cremation sa mga nais nito, at maaring mailagak ang mga abo sa columbarium o ossuary. “Para sa mga nagnanais magpa-cremate, gagawin natin ito ng libre at ilalagay sa columbarium,” dagdag niya.

Pinapaalalahanan ang mga apektadong pamilya na maaari silang makipag-ugnayan sa bagong pamunuan ng Barangka Public Cemetery o sa Marikina City Health Office, sa pangunguna ni Dr. Christopher Guevara, para sa karagdagang impormasyon.

Magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng isang misa sa Barangka Public Cemetery sa Nobyembre 2 bilang paggalang sa mga labi na nahukay.

Noong Oktubre 31, nagsampa ng reklamo ang lokal na pamahalaan laban sa mga tauhan ng sementeryo na di-umano’y hindi wastong humawak ng mga labi. Ang reklamo ay isinampa sa Marikina City Prosecutors’ Office laban sa mga tauhang sangkot sa hindi awtorisadong paghuhukay. Isinumite nina Dr. Christopher Guevara, pinuno ng City Epidemiology Surveillance Unit (CESU), at Rolando V. Dalusong, hepe ng Environmental Health and Sanitation, ang reklamo na tumutukoy sa paglabag sa partikular ang pagbabawal sa hindi awtorisadong pag-alis o pagkakalantad ng mga labi nang walang pahintulot.

Sa isinagawang inspeksyon ng City Health Office, natuklasan ang mga labi sa loob ng mga plastic bag at iniwang nakabukas sa sementeryo, na hindi umano aprubado ng Sanitation Section ng CHO. Ang insidenteng ito ay nagdudulot ng emosyonal na sakit sa mga pamilya at komunidad, bukod pa sa paglabag sa mga alituntuning pangkalinisan.

Nauna nang ipinag-utos ni Mayor Teodoro na ihinto ang lahat ng paghuhukay sa sementeryo habang isinasagawa ang rehabilitasyon nito.