image

Ang dating Gobernador ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson, na tatakbo bilang Senador sa darating na eleksyon sa 2025, ang nasa likod ng VBank o “Bangko ng Masa,” na nakatakdang ilunsad ngayong Disyembre upang makatulong sa mga kababayan na mahihirap. (Kuhang larawan ni Edd Usman).

Sa isang press conference sa Bahay Kawayan noong Huwebes (Nobyembre 14), sinabi ni Singson na layunin ng VBank na magbigay ng tulong sa mga mahihirap ngunit karapat-dapat na Pilipino sa buong bansa. Wala umanong kailangang mga dokumento o anumang requirements para mag-apply. Kailangan lang i-download ang VBank app, sagutan ang digital form, at isumite ito online.

Puwedeng mag-apply ang mga single parent, senior citizen, at person with disability (PWD), na kabilang sa mga pinaka-vulnerable sa lipunan. Nilinaw rin ni Singson na hindi maaaring mag-apply ang mga mayayamang Pilipino.

Dagdag pa niya, ang bawat VBank na ipamimigay nang libre ay magkakaroon ng P500 na laman kada buwan. Makikipagtulungan umano ang mga local government unit (LGU) upang matupad ang layunin ng VBank o “Bangko ng Masa.” Ipinagmamalaki ni Singson ang kaniyang karanasan bilang dating pangulo ng Governors League of the Philippines, Mayors League of the Philippines, at Councilors League of the Philippines, na pawang nasa ilalim ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).

Bilang pinuno ng Governors League, naiwan umano ni Singson ang halagang PHP100 milyon, at sa Councilors League naman ay PHP40 milyon, dahil sa kaniyang adbokasiya laban sa korapsyon. Ani Singson, itinuro ng kaniyang ama na mahalaga ang tiwala ng mga tao at kailangang ingatan ito.

image

image