image

CAPAS, Tarlac — Mahigit 300 katutubong Aeta mula sa Barangay Bueno, Capas, Tarlac ang nakinabang sa libreng medical mission at pamimigay ng food packs na pinangunahan ng Pinoy Ako Party List noong Sabado, Nobyembre 16. Pinamunuan ang aktibidad ni Atty. Gil A. Valera, ikatlong nominado ng party list.

Ang medical mission ay dinaluhan ng mga Aeta na karamihan ay mula sa Sitio Hot Spring, isang lugar na kilala sa mainit na bukal. Marami sa kanila ay mga Kabalen na nagsasalita ng Kapampangan. Upang makarating sa covered court ng Barangay Bueno, naglakad pa ang mga Aeta ng isang oras mula sa bundok.

Nakapagbigay ng libreng konsultasyong medikal ang apat na doktor, kabilang si Dr. Sharina M. Samonte. Binibigyang-prayoridad ang mga nakatatanda, kababaihan, at mga bata. Kabilang sa mga benepisyo ang food packs na may lamang limang kilong bigas, mga medical kit, at libreng legal consultation na maaaring i-avail sa pamamagitan ng text.

Si Atty. Valera ay personal na nakipag-usap at namahagi ng kanyang tarheta sa mga Aeta. Ani niya, kung sakaling magkaroon ng problema, lalo na sa lupa, maari siyang kontakin para sa legal na tulong. Sa kanyang linya bilang abogado, ang pag-aayos ng lupa ang kanyang pangunahing serbisyo.

Sa kabila ng seryosong layunin, natuwa ang mga nanay at mga bata nang kargahin ni Atty. Valera ang isang bata at magpakuha ng larawan. Ipinapakita nito ang kanyang malasakit at pagiging malapit sa mga tao.

Ipinapatupad sa lugar ang Indigenous People’s Reform Act (IPRA) Law, na nagbibigay sa mga IP ng kinatawan sa Barangay at Municipal Council na may buwanang sahod na PHP60,000. Pinayuhan ni Atty. Valera ang mga Aeta na ipaalam din sa kanilang mga kamag-anak na handa ang Pinoy Ako Party List na tumulong sa kanila.

Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Valera na kapag nahalal sila sa Mayo 12, 2025, itutulak nilang taasan ang bahagi ng kita mula sa pagmimina para sa mga IPs, mula 3% patungong 20%, alinsunod sa IPRA Law. Dagdag pa niya, plano nilang magbigay ng modernong kagamitan para sa pagmimina sa mga ancestral domain.

Paliwanag ni Atty. Valera, kilala rin bilang “Datu Tagapagtanggol,” layunin nilang pabilisin ang pagkuha ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) na karaniwang inaabot ng mahigit tatlong taon. Kasama rin sa kanilang adbokasiya ang mahigpit na batas laban sa mga landgrabber.

Dagdag pa niya, maaaring umunlad ang turismo ng mga Aeta kung magiging accessible ang mga likas na yaman ng kanilang lugar tulad ng Hot Spring, Mt. Pinatubo, at ang lawa. Malaki ang potensyal ng turismo sa pag-angat ng kanilang kabuhayan.

Lubos naman ang pasasalamat ni Municipal Councilor Victor Valantin, isang Aeta na dalawang beses nang nahalal sa Capas, sa tulong ng Pinoy Ako Party List. Aniya, malaking ginhawa ito para sa kanilang komunidad, lalo na sa mga katutubong Aeta sa Capas, na tinatayang nasa 11,000 ang populasyon.

image

Nasa larawan si Atty. Gil A. Valera, ikatlong nominado ng Pinoy Ako Party List, kasama si Municipal Councilor Victor Valantin, isang Aeta na dalawang beses nang nahalal sa Capas, habang kinakapanayam ng ilang mamamahayag.

image

image