QUEZON CITY – Sa layuning mabawasan ang polusyon sa hangin at magdulot ng mas mababang carbon emissions para sa mas malinis na kapaligiran, inilunsad ng Victory Liner Inc. (VLI) ang kauna-unahang fully electric bus sa Pilipinas noong Nobyembre 27, sa Baler Motorpool, Quezon City. Ang makabagong proyektong ito ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng VLI sa Higer, isang kilalang kumpanya sa electric vehicle technology.
Ayon kay Transportation Undersecretary Andy Ortega, ang hakbang na ito ay bahagi ng kampanya ng pamahalaan na pababain ang carbon emissions mula sa sektor ng transportasyon.
“Makakatulong ang paggamit ng mga electric vehicle para sa ating layunin na magkaroon ng mas malinis na transportasyon. Hindi man ito ang nag-iisang solusyon, isa itong malaking hakbang,” ani Ortega.
Dagdag pa niya, makikipag-ugnayan ang gobyerno sa VLI upang subaybayan ang tagumpay ng proyekto. Kasama rin sa mga plano ng pamahalaan ang pagbibigay ng insentibo at pagbabawas ng buwis para sa mga importer ng electric vehicles.
Ibinahagi ni Marivic Hernandez Del Pilar, marketing head ng VLI at miyembro ng founding family ng kumpanya, na ang layunin nila ay makibahagi sa kampanya ng pagbawas ng carbon emmission.
“Balak naming simulan ang mga ruta mula Cubao papuntang San Fernando City, Pampanga. Dalawang unit ng electric bus ang unang gagamitin, at kung magiging matagumpay ito, magdaragdag pa kami ng mas maraming yunit,” ani Del Pilar.
Mga Detalye ng Electric Bus:
Sinabi rin ni Engr. Brixio Macalinao, operations manager ng VLI, na ang bawat electric bus ay kayang mapigilan ang humigit-kumulang 100 toneladang carbon dioxide emissions kada taon.
Ang mga e-bus ay buo at imported (Complete Built Unit) mula sa Higer, na kilala rin sa paggawa ng hybrid buses sa China. Ayon kay Elison Tan ng Higer Philippines, ang bus ay may 481 kWh na kapasidad ng baterya at kayang magbiyahe ng hanggang 500 kilometro sa isang full charge.
Ang pamasahe sa electric bus ay kapareho lamang ng regular na bus na bumibiyahe sa parehong ruta – P141 mula Maynila hanggang Pampanga. Magsisimula ang operasyon ng mga electric bus ngayong darating na Disyembre.
Kasalukuyang sinasanay na ngayon ang unang batch ng mga driver para sa makabagong sasakyan upang masigurong maayos ang pagpapatakbo at maging ligtas ang mga pasaherong sasakakay dito.
Muling pinatunayan ng Victory Liner ang kanilang dedikasyon sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng inisyatibong ito. Ang proyektong ito ay hakbang tungo sa mas makabago, mas malinis, at mas maaasahang transportasyon para sa lahat.